Photo credit: Prosielco - Province of Siquijor Electric Cooperative, Inc.
Tapos na ang kalbaryo sa dilim ng mga Siquijodnon matapos pormal na selyuhan ang 15-taong kasunduan sa pagitan ng Vivant Energy, isang kumpanyang pagmamay-ari ng tanyag na pamilyang Garcia-Escaño mula sa Cebu, at ng Province of Siquijor Electric Cooperative (PROSIELCO).
Ang hakbang na ito ay inaasahang magbibigay ng tuldok sa matinding krisis sa kuryente na naranasan ng probinsya noong 2025.
Sa ilalim ng Power Supply Agreement (PSA) na nilagdaan noong Disyembre 30, 2025, magsu-supply ang Vivant Energy ng 11 megawatts (MW) na kapasidad mula sa diesel power plant nito na matatagpuan sa Barangay Bogo, Maria, Siquijor.
Sakop nito ang mga bayan ng Larena, Lazi, Maria, San Juan, Enrique Villanueva at Siquijor (Capital).
Matatandaang noong Hunyo 2025, idineklara ang State of Calamity sa isla matapos abutin ng hanggang 20 oras na blackout kada araw sa ilalim ng dating provider na Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR). Dahil sa mga paglabag sa operasyon at regulasyon, ipinasara ng gobyerno ang SIPCOR at pansamantalang hinalili ang TotalPower Inc. sa ilalim ng emergency agreement.
“Excited kami sa partnership na ito. Inaasahan namin na sa pagtatapos ng power plant, ang mga kabahayan at negosyo ay magkakaroon na ng stable at maaasahang kuryente,” pahayag ni PROSIELCO General Manager Glenn Galvan ngayong Biyernes, Enero 2.
Ang Vivant Corporation ay kontrolado ng pamilyang Garcia-Escaño (76%), ang pamilyang nagpapatakbo rin sa Visayan Electric Company Inc. (VECO), ang ikalawang pinakamalaking pribadong electric utility sa bansa na nagsisilbi sa Cebu City.
Ayon kay Eric Omamalin, Vice President for Off-grid Solutions ng Vivant Energy, layunin nilang unahin ang mga lugar na “underserved” o kulang sa serbisyo upang matulungan ang ekonomiya at turismo, lalo na’t ang Siquijor ay bahagi na ng bagong tatag na Negros Island Region.
