Matagumpay na nagtapos ang WorldSkills Philippines – National Capital Region (NCR) 2026 sa pamamagitan ng isang engrandeng Awarding Ceremony na ginanap sa TESDA Multi-purpose Gymnasium kamakailan.
Ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang nasabing kompetisyon ay bahagi ng kanilang misyon na kilalanin ang mga pinakamahuhusay na kabataang talento sa technical-vocational (tech-voc) sa rehiyon at ipadala ang mga tatanghaling kampeon sa National Skills Olympics.
Ang isang linggong paligsahan na nag-umpisa noong Mayo 25 ay may temang “ONE NCR Skilled, Dynamic, and Future-Ready.” Umabot sa 120 kalahok, 98 eksperto, at 27 institusyon ang nagpatisan sa iba’t ibang larangan tulad ng construction, information technology, creative industries, manufacturing, at beauty care, bukod sa iba pang prayoridad na sektor.
Naging tampok sa seremonya ang paggawad ng parangal sa mga nangunang kalahok na siyang magiging pambato ng NCR sa WorldSkills Philippines 2026 National Competition.
Sinubok ang galing ng mga kalahok sa mga tradisyonal at makabagong disiplina tulad ng Cybersecurity at Artificial Intelligence (AI), Mechatronics, Electrical Vehicle Technology, Additive Manufacturing, Web Technologies, Game Programming, Prototype Modelling, Automobile Technology, Fashion Technology, at Electrical Installation.
BASAHIN: AI, NEGOSYO, AT DIGITAL SKILLS, LIBRENG ITUTURO NG TESDA
“Ang WorldSkills ay higit pa sa isang kompetisyon — ito ay isang pambansang plataporma para sa kahusayan, disiplina, at transpormasyon,” ani TESDA NCR Regional Director Angelina M. Carreon, CEO III, sa kanyang pagtatapos na mensahe.
Ang pagtatapos ng regional competition ang hudyat ng simula ng paghahanda ng TESDA NCR para masungkit ang pambansang karangalan, na magbibigay naman sa kanila ng pagkakataong irepresenta ang Pilipinas sa international arena ng WorldSkills.
Sa tulong ng malakas na suporta mula sa industriya, tinitiyak ng TESDA NCR na ang mga kagamitan at pagsasanay ng mga kalahok ay nakahanay sa international standards upang patuloy na maihanda ang mga manggagawang Pilipino para sa pandaigdigang kompetisyon.
