Duguang humandusay at tuluyang binawian ng buhay ang isang lalaki matapos makipagsaksakan sa kasalukuyang kinakasama ng kanyang ex-live-in partner sa kahabaan ng J.P. Rizal Street, Brgy. Dela Paz, Antipolo City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng Antipolo City Police Station ang nasawing biktima na si alyas “Gilberto,” habang arestado naman at kasalukuyang nakapiit ang suspek na si alyas “Anthony.”
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis base na rin sa nakalap na CCTV footage mula sa isang kalapit na computer shop, nag-ugat ang madugong tagpo dakong alas-3:45 ng hapon.
BASAHIN: TAMBAY NA WANTED SA PANGHAHALAY ARESTADO
Bigla umanong pumasok sa computer shop si Gilberto na armado na ng kutsilyo.
Nang mapansin ng suspek na si Anthony ang pagdating ng biktima, hindi na ito nagpatumpik-tumpik pa—mabilis itong tumayo at bumunot din ng sariling kutsilyo na nakasukbit sa gilid ng kanyang shorts!
Dito na nagsimula ang brutal na tapatan ng dalawa kung saan kapwa sila nagtamo ng mga sugat sa katawan habang nagsaksakan sa harap ng mga nakasaksi.
Matapos ang saksakan, kapwa itinakbo sa ospital ang dalawa.
Swerte pang nakaligtas si Anthony na nagtamo lamang ng sugat sa may itaas na bahagi ng kanyang kilay at agad ding dinala sa presinto matapos magamot.
Ngunit minalas si Gilberto nang mapuruhan ito ng malalim na saksak sa dibdib. Eksaktong alas-4:29 ng hapon nang ideklara itong patay ng attending physician na si Dr. Mathew Valiente.
Ayon sa huling ulat ng pulisya, lumalabas na “matinding selos at lumang alitan” ang motibo sa krimen. Nabatid na ang dating kinakasama ng napatay na si Gilberto ay ang kasalukuyan nang kinakasama ngayon ng suspek na si Anthony.
Agad namang rumesponde ang mga investigator-on-case sa ospital at sa mismong crime scene para sa dokumentasyon at ocular inspection.
Kasalukuyan nang nakakulong sa Antipolo Custodial Facility si Anthony matapos basahan ng kanyang mga karapatan, habang inihahanda na ng Office of the City Prosecutor ang kaukulang kasong Homicide laban sa kanya.
