SWAK sa hoyo ang isang tambay na akusado sa malupit umanong pamamaraan ng panghahalay sa babaeng biktima matapos masukol habang naglalakad sa kalsada sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa lungsod ang presensya ng 23-anyos na akusado na si alyas “Bogart”, residente ng Rivera Compound, Sitio Gitna, Novaliches, Quezon City.
Kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Talento ang manhunt operation hanggang sa matiyempuhan nila ang akusado sa kahabaan ng CJ Santos Street, Brgy. Malinta dakong alas-11:15 ng umaga.
BASAHIN: LALAKING ‘NANLALAGLAG’ MUNTIK NA KAY KAMATAYAN
Hindi na nakapalag si alyas Bogart nang bitbitin ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 171 para sa kasong Rape by Carnal Knowledge at Rape by Sexual Assault.
Hindi na binanggit ng pulisya ang malupit na pamamaraan ng panghahalay na ginawa ng akusado sa kanyang biktima na dahilan upang hindi siya payagang makapaglagak ng piyansa para sa pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakadetine sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
