ANG ENGRANDENG PAGTATANGHAL
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
ANG mga tala sa kalangitan ay bumaba at nagningning sa gabi ng pagtatanghal ng ‘Manila Carnival Queens: Celebration of Filipino Womanhood’ na ginamitan ng Panasonic Projector and Display sa Tanghalang Metropolitan (Metropolitan Theater o MET, itinatag 1931) nakaraang 30 Mayo 2026 Sabado. Pinangunahan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA, itinatag 1992) kasama sina Nicolas Pichay, playwright; Rem Zamora, director; at Vincent A. De Jesus, composer, arranger, at musical director. Dumalo si Alice Garcia Reyes, National Artist for Dance.
Nagsimula ang dula sa isang mahiwagang gabi na ang tatlong (3) caryatid ng MET na sina Mayari, Tala, at Hanan, ay nabuhay. Sila ay inaanyayahan ni Jose Rizal (1861-96) na nasa kalapit na monumento upang maglakad-lakad sa Luneta. Unti-unting nabubuo ang kasaysayan sa kalapit na Wallace Field. Nilikha ang Manila Carnival ng pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos na pinamumunuan ni Gob. Hen. James Francis Smith (1906-09), Col. George T. Langhorne (1889-1962), at Kalihim William Cameron Forbes (1870-1959), at ang mga espiritu ng mga unang reyna ng Manila Carnival ay tinatawag.

Subalit nagsimulang maging magulo ang mga pangyayari nang lumitaw si Gabriela Silang (1731-63) sa maling panahon at arestuhin si Jose Rizal ng American Military Police. Nahaharap sa mga palaisipan mula sa mga reyna ng karnabal na sina Pura Villanueva-Kalaw (1886-1954, Miss Carnival Queen 1908), Paz Marquez-Benitez (1894-1983, Miss CQ 1912) at Pacita Ongsiako Delos Reyes (1912-2004, Miss CQ 1929) ang mga caryatid, at si Gabriela ay nagmamadali laban sa oras upang iligtas ang Pilipinas mula sa pagbagsak sa kaguluhan. Sa proseso, natutuklasan nila kung paano nalampasan ng mga reyna ng karnabal ang kanilang dekoratibong katayuan upang maging mga pinuno ng sibiko na may makabuluhang ambag sa lipunan at kung paanong ang pag-uugnay ng kasaysayan, tulad ng moda, ay nagdadala ng alaala na nagbubuklod sa mga tao upang bumuo ng isang bansa. Habang nagtatapos ang gabi ay muling isinasagawa ng mga caryatid ang kanilang tungkulin na buhatin ang sining sa kanilang mga balikat habang pinapaalala nila na huwag kalimutan ang mga likha.

Itinatampok ang mga likha nina Rommel Padillo Serrano, Santi Obcena, at Norman Peñaflorida. Ang bumubuo sa teknikal ay sina Mark Dalacat, Set Designer; Melton Roxas Jr, Lighting Designer; Justin Santiago, Projection Designer; Norman Peñaflorida, Costume Designer; Ace Polias, Choreographer; Charyl De Guzman, Production Manager; Charlotte Despuez, Technical Director; Ryan Sanqui, Sound Engineer; at CJ Andaluz, Director for TV Broadcast.
Naging matagumpay ang pagtatanghal sa ilalim ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992). Kabilang sa mga nagtanghal ay sina Neomi Gonzales, Teetin Villanueva, Marynor Madamesila, Matel Patayon, Raflesia Bravo, Red Nuestro Mc Dela Cruz, Roby Malubay, Jon Abella, Mijon Cortez, Niño Royeca, Pamela, Imperial, at Mikee Baskiñas.
