Mas mapapabilis na ang responde sa mga insidente ng sunog sa kahabaan ng Felix Avenue (dating Imelda Avenue) sa Cainta, Rizal matapos selyuhan ang kasunduan para sa pagtatayo ng bagong fire station sa loob mismo ng compound ng Sta. Lucia Mall.
Mismong si Cainta Mayor Kit Nieto at ang Presidente ng Sta. Lucia Realty na si Mr. Exy Robles ang nagpirmahan ng kasunduan matapos paborableng tugunan ng huli ang request ng alkalde.
Ayon kay Mayor Nieto, istratehiko ang lokasyon ng itatalagang estasyon sa Imelda Avenue upang masigurong mabilis na makaka-responde ang mga bumbero sa bahaging iyon ng bayan sakaling magkaroon ng emergency.
BASAHIN: Singil sa kuryente ngayong Mayo, bumaba – Meralco
Bukod sa pagbibigay ng espasyo, binalikat na rin ng Sta. Lucia Realty ang gastos sa pagpapatayo ng gusali ng fire station.
Malaking tulong ito sa kaban ng bayan dahil makakatipid ang lokal na pamahalaan sa gastusin sa konstruksyon.
“Maraming salamat po sa pagdalaw at pagpayag. Matagal na kayong kakampi ng bayan namin,” mensahe ni Mayor Nieto kay Robles bilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng kumpanya sa mga programa ng Cainta.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyong Nieto na paigtingin ang seguridad at kaligtasan ng mga residente. (Arnold Pajaron Jr)
