Photo: RPIO NCRPO
ARESTADO ang isang aktibong miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng isang viral na hit-and-run incident sa kahabaan ng C5 Road sa Pasig City.
Ang suspek, na may ranggong Police Staff Sergeant at nakatalaga sa QCPD District Mobile Force Battalion, ay nasa kustodiya na ngayon ng pulisya at nahaharap sa reklamong kriminal at administratibo.
Nag-ugat ang pag-aresto matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan makikita ang pulis na lulan ng isang pula at itim na Yamaha motorcycle nang biglang itinulak ang isang civilian rider dahilan para ito’y matumba sa kalsada.
Sa halip na tumulong, mabilis na tumakas ang pulis mula sa pinangyarihan ng insidente.
BASAHIN: Fire Station sa loob ng Sta. Lucia Mall compound sa Cainta, itatayo na
Agad na naglunsad ng hot pursuit operation ang QCPD na nauwi sa pagkakaaresto ng naturang opisyal.
Binigyang-diin ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin na hindi kinukunsinti ng organisasyon ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan.
“Walang paborito ang PNP pagdating sa pananagutan,” pahayag ni PMGEN Aberin. “Sibilyan man o miyembro ng aming organisasyon ang suspek, ang batas ay pantay na ipinapatupad. Hindi namin hahayaan ang anumang maling asal; haharapin ito ng buong pwersa ng batas.”
Tiniyak ng NCRPO ang isang transparent na imbestigasyon alinsunod sa mga panuntunan ng NAPOLCOM at pamantayan ng PNP.
Ayon sa pamunuan, ang tsapa ay simbolo ng serbisyo at hindi proteksyon para takasan ang mga naging pagkakamali. (Arnold Pajaron Jr)
