Magandang balita para sa mga konsyumer ng Manila Electric Company (Meralco) matapos ianunsyo ng kumpanya ang bahagyang pagbaba sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.
Sa pahayag ng Meralco, magkakaroon ng bawas na P0.0151 per kWh sa kabuuang rate. Dahil dito, ang overall rate para sa isang tipikal na pamilya ay bababa sa P14.3345 per kWh ngayong Mayo, mula sa P14.3496 noong nakaraang Abril.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, ang bawas-singil ay naisakatuparan dahil sa mga hakbang ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang pigilan ang sana’y pagtaas ng presyo dulot ng tensyong geopolitical na nakaapekto sa enerhiya sa mundo.
BASAHIN: DILG Sec. Jonvic Remulla, kampanteng maibabalik sa bansa si Zaldy Co mula Paris
Sa kabila ng pagtaas ng generation charge, na-offset o natabunan ito ng ilang mahahalagang salik gaya ng pinabilis na refund ng ERC na umakyat na sa P0.4278 per kWh, kung saan ang natitirang P14.2 bilyon ay ibabalik na sa loob lamang ng 12 buwan imbes na dalawang taon. Nakatulong din ang pagsisimula ngayong Mayo ng VAT exemption para sa kuryenteng galing sa indigenous natural gas sa ilalim ng Republic Act No. 12120, kasabay ng pansamantalang pagtigil ng ERC sa pangongolekta ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) hanggang Hunyo at ang bahagyang pagbaba sa transmission charge na P0.0493 per kWh.
Bagama’t bumaba ang rate, nagbabala ang Meralco na maaari pa ring tumaas ang bayarin sa kuryente ng mga pamilya kung tataas ang kanilang konsumo. Karaniwan ang mataas na paggamit ng kuryente, lalo na sa mga cooling appliances, tuwing “dry season” o panahon ng tag-init.
“Habang bumaba ang kabuuang rate, ang panahon ng tag-init ay karaniwang panahon ng mas mataas na konsumo. Sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng kuryente, mas makokontrol ng mga customers ang kanilang bills,” ani Zaldarriaga.
Payo ng Meralco, panatilihing malinis ang mga filter ng aircon, i-set ang thermostat sa 25°C, hugutin ang mga appliances na hindi ginagamit, at gumamit ng LED bulbs upang makatipid. (Mina Paderna)
