Tiwala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na malapit nang maaresto at maibalik sa Pilipinas ang dating mambabatas na si Zaldy Co.
Sa ginanap na Kapihan ng Samahang Plaridel sa Rizal Park Hotel, ibinunyag ni Remulla na kasalukuyang nananatili si Co sa isang 10-bedroom house sa Champs-Élysées, Paris, habang hinihintay ang resulta ng kanyang application para sa asylum sa France.
Gayunpaman, naniniwala ang dating gobernador ng Cavite na masasakote ang 58-anyos na si Co bago pa man magkaroon ng desisyon sa kanyang hiling na asylum. Ayon kay Remulla, noon pang Setyembre 2025 nag-apply ang gobyerno ng Interpol red notice laban sa dating mambabatas.
“I am confident that we’ll be able to get the Interpol red notice and I’m confident we’re going to get Zaldy Co back here to the Philippines. Bago pa matapos ‘yung asylum application niya, makukuha na natin si Zaldy,” ani Remulla.
BASAHIN: Gatchalian, nais tapyasan ang buwis ng sari-sari store at maliliit na negosyo
Nahaharap si Co at 17 iba pa, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at mga direktor ng Sunwest Corp., sa mga kasong korapsyon at malversation of public funds kaugnay ng mga umano’y maanomalyang flood control projects. Mariing itinatanggi ni Co ang mga alegasyong ito.
Matatandaang noong nakaraang buwan, iniulat na na-detain si Co sa Prague dahil sa problema sa travel documents, ngunit ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, wala na ito sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic.
Bukod kay Co, binabantayan din ng gobyerno ang asylum bid ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa Netherlands. Ayon kay Remulla, ngayong linggo matatapos ang anim na buwang proseso ng application ni Roque.
“Kung hindi ma-grant, puwede na siyang arestuhin dahil wala na siyang travel papers. At saka ‘yung kaso niya kasi is human trafficking. Iba ang level noon na banned sa lahat ng bansa,” dagdag ng kalihim.
Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga, na kanya ring itinatanggi.
