Nagpahayag ng matinding pagtutol ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa mga panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa ngayong Labor Day.
Nagbabala ang grupo na ang karagdagang gastusin sa paggawa ay maaaring humantong sa malawakang tanggalan sa trabaho.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., bagama’t nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga tsuper at manggagawa, hindi na kaya ng mga kumpanya na sumipsip ng dagdag-gastos dahil sa hirap na dala ng nagtataasang presyo ng bilihin at operasyon.
“Naiintindihan namin ang kailangan ng mga tao, pero ang gobyerno dapat ang pumasan niyan. Hindi na kaya ng mga kumpanya,” pahayag ni Ortiz-Luis. “Kapag ipinilit ito, baka magresulta sa mas maraming mawawalan ng trabaho; sa halip na makatulong, baka lalo lang makasama.”
Ang panawagan para sa legislated P200 wage hike ay muling umingay ngayong Labor Day habang iniinda ng mga Pilipino ang epekto ng krisis sa Middle East na nagtulak sa inflation sa 4.1 porsyento noong Marso—ang pinakamataas sa loob ng halos dalawang taon.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Ortiz-Luis, na pinuno rin ng Philippine Exporters Confederation Inc. (Philexport), na 90 porsyento ng mga negosyo sa bansa ay mga micro-enterprises. Aniya, marami sa mga ito ang sadsad na ang kita dahil sa sunod-sunod na oil price hike at wala nang kakayahang magdagdag ng pasahod.
Sa halip na dagdag-sahod, iminungkahi ng ECOP na pagtuunan ng gobyerno ang pagpapababa sa gastusin sa pamamagitan ng pag-aalis o pagbabawas ng excise tax at Value-Added Tax (VAT) sa gasolina.
“Bakit hindi magbigay ng exemption sa excise tax at VAT sa langis? Habang tumataas ang presyo, tumataas din ang koleksyon ng gobyerno mula sa VAT at excise tax,” ani Ortiz-Luis.
Ayon sa grupo, ang pagtabas sa buwis sa langis ay magkakaroon ng mas mabilis at malawak na epekto dahil ibababa nito ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, na makakatulong hindi lamang sa mga manggagawa kundi pati na rin sa mga mamimili at mga exporter.
Nanawagan din ang ECOP para sa mas malinaw na sistema sa pagpepresyo ng langis at hinimok ang pamahalaan na gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng batas upang mamagitan sa gitna ng matinding krisis sa ekonomiya.
