Naging sentro ng pagdiriwang ng ika-124 na Labor Day sa bansa ang panawagan para sa wage tax reform at pagsusulong ng “disenteng trabaho” para sa lahat ng Pilipino, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin ni Trabaho Party-list Rep. Johanne Bautista na kailangan ng mga manggagawa ng mas matibay na suportang pang-ekonomiya.
Aniya, dahil sa epekto ng tensyon sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng mga bilihin, ang bawat pisong matitira sa bulsa ng mga manggagawa ay may malaking kahalagahan.
“Ibig sabihin nito ay karagdagang pagkain sa mesa, seguridad para sa kinabukasan ng kanilang pamilya, at pagkilala sa dangal ng kanilang pagsisikap,” pahayag ni Bautista.
Muling kinalampag ng mambabatas ang Kongreso para sa House Bill No. 4431 o ang Wage Tax Adjustment for Growth and Equity (Wage Bill). Ang nasabing panukala, na layuning i-adjust ang income tax thresholds at itaas ang tax exemptions, ay nananatiling nakabinbin sa Committee on Ways and Means mula pa noong Setyembre 10, 2025.
Ayon kay Bautista, ang tema ngayong taon na “Disenteng Trabaho para sa Lahat” ay hindi lamang isang mithiin kundi isang karapatan ng bawat Pilipino. Sinabi niya na ang mga manggagawa ang nagsisilbing “steady hand” na nagpapatakbo sa ekonomiya at nagpapanatili sa katatagan ng bansa.
Samantala, hindi rin nagpaawat ang iba’t ibang labor groups sa pangunguna ng National Wage Coalition na maagang lumabas sa mga lansangan nitong Biyernes.
Bitbit ang kanilang mga hinaing, muling isinigaw ng mga grupo ang hiling na P1,200 national minimum wage, seguridad sa trabaho, at agarang tulong mula sa pamahalaan upang maibsan ang epekto ng inflation.
Sa gitna ng mga kilos-protesta, nananatili ang hamon sa gobyerno at sektor ng negosyo na tugunan ang panawagan para sa mas makatarungang sahod at mas mababang buwis upang makaagapay ang mga manggagawa sa nagbabagong panahon.
