Photo courtesy: DepEd
Mas pinadali na ngayon ang paghahanap ng trabaho para sa mga nagtapos ng Senior High School (SHS) sa buong bansa matapos buksan ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga nakalaang “Green Lanes” sa ginaganap na Labor Day Job Fairs ngayong araw.
Ang estratehikong kolaborasyong ito ay naglalayong bigyan ng mabilis na daan ang mga SHS graduates tungo sa matatag na trabaho, bilang bahagi ng programa ng gobyerno na maiangat ang mga pamilyang Pilipino mula sa kahirapan.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang inisyatibong ito ay pagsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng tunay na oportunidad ang mga underprivileged.
“Tungkulin nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno at tunay na oportunidad sa ating mga mag-aaral alinsunod sa pangarap ni Pangulong Bongbong Marcos na hanguin ang bawat pamilyang Pilipino mula sa hirap,” pahayag ni Angara.
Isinasagawa ang mga job fair sa halos 70 istratehikong lokasyon sa bansa, karamihan ay sa mga mall, kung saan mahigit 230,000 oportunidad sa trabaho ang naghihintay para sa mga aplikante.
Upang makagamit ng Job Fair Green Lane—isang express entry privilege na nagpapabilis sa pakikipag-usap sa mga employer—kailangan lamang magpakita ang mga SHS graduates ng kanilang School ID at Certificate of Completion o Graduation.
Bukod sa mabilis na pila, nakatanggap din ang mahigit 5,900 graduates ng mga libreng pre-employment documents gaya ng birth certificate, NBI, at police clearance. Layunin nito na alisin ang malaking gastos na kadalasang nagiging hadlang sa mga naghahanap ng trabaho na salat sa pinansyal.
“Sa pamamagitan ng Green Lane at pag-alis ng bayad sa dokumento, binabawasan natin ang pasanin ng mga magulang at binibigyan ang mga graduates ng pagkakataong agad na makatulong sa kani-kanilang mga tahanan,” dagdag ni Angara.
Naging matagumpay ang kaparehong estratehiya noong nakaraang Marso sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), kung saan mahigit 1,400 SHS at Alternative Learning System (ALS) graduates ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot.
Ang programang ito ay nakasandig sa First Time Jobseekers Assistance Act (Republic Act No. 11261), na mismong si Angara ang principal author noong siya ay nasa Senado pa, na layuning gawing institutional ang suporta ng gobyerno sa mga kabataang nais nang pumasok sa workforce.
