Rehas na bakal ang kinahantungan ng anim na kalalakihan matapos maaktuhang nagsusugal at mahulihan pa ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon ng Valenzuela Police sa ilalim ng “Oplan Galugad.”
Unang nasakote ng mga tauhan ng Sub-Station 5 ang dalawang lalaki sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Arkong Bato, alas-1:25 ng madaling araw nitong Huwebes. Maaktuhan ang mga suspek na naglalaro ng ‘cara y cruz’ sa loob ng isang abandonadong bahay. Bukod sa bet money at pangara, nakumpiska rin mula sa suspek na si alyas “Cristian” ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Sa Brgy. Karuhatan, nadakip din ng Sub-Station 9 ang dalawang lalaki habang naglalaro ng ‘cara y cruz’ sa Industrial St. dakong alas-7:45 ng gabi. Nakuha sa posesyon ni alyas “Denis,” 40, ang isang sachet ng umano’y shabu kasama ang mga gamit sa pagsusugal.
Hindi rin nakapalag ang dalawa pang kelot sa Brgy. Paso De Blas nang maaktuhan ng Sub-Station 1 na naglalaro ng ‘lucky 9’ sa Jasmine St., tapat ng Immaculate Concepcion. Sa nasabing huli, isang plastic sachet ng shabu ang nakuha mula sa suspek na si alyas “Regie.”
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Gambling Law). Karagdagang kaso naman na paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa laban kina alyas “Cristian,” “Denis,” at “Regie.”
Nagpaalala si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na walang puwang sa lungsod ang anumang uri ng ilegal na sugal. Hinimok din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa kanilang tanggapan ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga barangay.
