Halos kalahati ng mga Pilipino ang nagsabing ang pagkontrol sa implasyon o ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin ang pinaka-urgent na pambansang usapin sa unang quarter ng 2026, ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Sa “Tugon ng Masa” survey na isinagawa noong Marso 19-25, lumabas na 45 porsyento ng mga respondent ang piniling prayoridad ang implasyon. Sumunod dito ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa (33%), paglaban sa katiwalian sa gobyerno (26%), at ang pagkakaroon ng abot-kayang pagkain gaya ng bigas at karne (24%).
Kabilang din sa mga binanggit na alalahanin ang pagbabawas ng kahirapan (20%) at pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon (17%).
Nilinaw ng OCTA Research na ang mga datos na ito ay nakalap bago pa man tumama ang matinding epekto ng oil price shock bunsod ng giyera sa Middle East.
Ayon sa grupo, nagsisilbi itong “pre-shock baseline” o basehan ng sitwasyon bago pa man lalong uminit ang presyur sa welfare, purchasing power, at food security ng bawat tahanan dahil sa taas-presyo ng petrolyo.
Pinakamataas ang pagkabahala sa implasyon sa Visayas (54%) at Mindanao (51%). Kapansin-pansin din na kapwa ang socioeconomic Class E (56%) at Class ABC (54%) ay nagkakaisa sa pagsabing ito ang kanilang pangunahing problema.
Sa kabilang dako, pagdating naman sa usapin ng sahod ay pinakamataas ang panawagan sa rehiyon ng Visayas na umabot sa 46 porsyento.
Ang National Capital Region (NCR) naman ang nakapagtala ng pinakamataas na concern pagdating sa katiwalian sa gobyerno na may 36 porsyento, habang nanguna muli ang Visayas pagdating sa usapin ng abot-kayang pagkain na may 32 porsyento.
“Muling lumutang ang implasyon bilang dominanteng isyung pambansa, na nagpapahiwatig na ang pang-araw-araw na abot-kayang pamumuhay ang naging pinakamabigat na presyur na kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino,” ayon sa OCTA Research.
Sa aspeto naman ng personal na buhay, nananatiling kalusugan ang pinaka-importanteng alalahanin ng 67 porsyento ng mga Pilipino.
Sinundan ito ng pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw (46%), pagkakaroon ng seguradong trabaho na may maayos na sahod (42%), pagkakaroon ng ipon (41%), at ang pagtatapos sa pag-aaral o pagpapaaral sa mga anak (39%).
Ang survey ay nilahukan ng 1,200 respondents sa buong bansa at mayroong margin of error na plus or minus three percent (±3%).
