Kulungan ang bagsak ng isang 23-anyos na mall bagger matapos itong dambahin ng mga guwardiya dahil sa pagnanakaw ng isang pakete ng condom sa Barangay Mabolo nitong Martes, Enero 6, 2026.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagkakahalaga ang tinangay na item ng P387.75. Naging mitsa ng pagkahuli ng suspek ang paglabas nito sa store nang hindi dumaraan sa cashier, dahilan para ma-alerto ang mga security guard ng mall.
Sa isinagawang routine inspection at kapkap, laking gulat ng mga awtoridad nang makuha ang pakete ng condom na nakatago sa loob ng suot na pantalon ng suspek.
Sa interogasyon, naglabas ng kakaibang rason ang bagger. Aniya, dala lamang daw ito ng “curiosity” o kuryosidad. Gusto lang daw niyang makita kung ano ang itsura ng condom at kung paano ito ginagamit dahil kailanman ay hindi pa siya nakakasubok nito.
Nakuha raw niya ang ideya matapos ang kuwentuhan nilang magkakatrabaho kung saan pinayuhan siya ng mga ito na dapat ay “laging protektado.” Dahil sa kuryosidad at kawalan ng pambili, minabuti na lang niyang umit sa estante.
Sa kabila ng madamdaming paliwanag, hindi ito bumenta sa mga awtoridad. Binigyang-diin ng pulisya na ang pagnanakaw ay nananatiling paglabag sa batas, anuman ang dahilan.
“Hindi sapat na dahilan ang kuryosidad para kumuha ng bagay na hindi mo pag-aari,” paalala ng mga pulis.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kasong Qualified Theft laban sa kanya. Nagsisilbi rin itong babala sa mga kabataang manggagawa na maging responsable sa bawat desisyon para hindi mabulok sa rehas.
