Mistulang isang masamang biro ang natuklasan kamakailan tungkol sa barkong Kang Ling 539. Isang Chinese-made dredging ship na nagtatrabaho sa ating sariling bakuran ngunit may suot na anim na magkakaibang “maskara” o flag registries. Salamat sa mapanuring mata ng security analyst na si Ray Powell, nabisto ang panlilinlang: sa loob ng Maynila, bitbit nito ang bandila ng Pilipinas; pagdating sa Zambales, bigla itong nagiging barko ng Sierra Leone.
Naloko na! Itong ganitong uri ng “identity crisis” ay hindi lamang usapin ng teknikalidad sa rehistrasyon. Dahil naniniwala tayo mga ka-Sampaguita na ito ay isang direktang sampal sa ating mga batas at isang malinaw na banta sa ating pambansang seguridad.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang anumang dredging operation sa pagitan ng mga lokal na puntos ay dapat 60% pag-aari ng Pilipino, rehistrado sa ilalim ng ating bandila, at pinapatakbo ng mga tripulanteng Pinoy. Ngunit ang ginagawa ng Kang Ling 539 ay isang klasikong halimbawa ng panunubok sa ating sistema. Bakit kailangang magpalit-palit ng pagkakakilanlan kung legal at malinis ang operasyon? Ang sagot ay simple: may itinatago silang hindi dapat makita ng batas.
Nararapat lamang ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Coast Guard (PCG) na inspeksyunin ang lahat ng Automatic Identification Systems (AIS) ng mga barko sa Manila Bay reclamation sites. Ngunit ang tanong ay ito—bakit kailangan pang isang banyagang analyst ang makadiskubre nito bago tayo kumilos? Dalawang taon nang pabalik-balik ang barkong ito sa pagitan ng Maynila at Zambales. Dalawang taon tayong ginagawang bulag sa sarili nating karagatan. Get’s ninyo ba, mga ka-Sampaguita?
Higit pa sa isyu ng soberanya, ang “corporate plunder” na ito ay may bitbit na panganib sa kalikasan. Ang malawakang dredging sa Zambales at Ilocos Sur, na pinatatakbo umano ng mga kumpanyang gaya ng China Harbour Engineering Company (isang subsidiary ng CCCC na nasa blacklist ng Amerika), ay unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng ating mga mangingisda. Ang mga buhangin na kinukuha sa ating mga baybayin ay ginagamit para sa reklamasyon sa Manila Bay—isang proyekto na ayon sa mga eksperto ay magdudulot ng malawakang pagbaha, polusyon, at pagkamatay ng marine life.
Hindi natin pwedeng hayaan na ang ating mga likas na yaman ay gamitin laban sa atin. Ang pagpayag sa mga kumpanyang Tsino na nagwasak na ng ating mga bahura sa West Philippine Sea na mag-operate sa loob mismo ng ating mga look ay parang pagpapasok ng magnanakaw sa loob ng ating sala.
Ang hakbang ng Pangulo ay magandang simula, ngunit hindi ito dapat magtapos sa inspeksyon lang. Panahon na para sa isang masusing paglilinis. Dapat managot ang mga lokal na opisyal na nag-apruba sa mga kaduda-dudang proyektong ito.
Kung hindi tayo kikilos nang mabilis at may pangil, baka magising na lang tayo na ang ating mga baybayin ay tuluyan nang naanod, habang ang mga dayuhang mapanlinlang ay busog na busog sa yaman ng ating dagat.
