Sa darating na Enero 15, muling yayanigin ang mundo ng politika sa bansa. Kung totoo ang mga impormasyong nakarating kay Senador Imee Marcos, pormal nang sasampahan ng kasong kriminal sina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating Senador Bong Revilla, at tatlong mambabatas sa Kamara kaugnay ng kontrobersyal na flood control scandal. Ang sakit sa bangs nito!
Sa unang tingin, mukhang nagtatrabaho ang gulong ng katarungan. Pero kung susuriing mabuti, tila may malaking butas ang listahang ito. Opo, isang butas na kasinglaki ng mga nawawalang pondo para sa baha.
Nakapagtataka, at sadyang kahina-hinala, na sa gitna ng ingay ng imbestigasyon ay tila “absuwelto” na agad ang pinsan ng senadora na si dating House Speaker Martin Romualdez. Ito ang sentro ng sarkastikong pahayag ni Imee: Bakit tila mga senador lang ang pinupuntirya habang ang opisina ng Speaker, na itinuturo niyang ugat din ng katiwalian, ay nananatiling malinis sa listahan?
Ang ganitong senaryo ay nagpapakita ng isang nakababahalang pattern sa ating pamahalaan. Masyadong”selective justice.” Ano sa tingin ninyo mga ka-Berdugo?
Kapag ang kalaban o ang mga “sakripisyong tupa” ang tinamaan, mabilis ang usad ng kaso. Pero kapag ang mga malalapit sa kusina ng kapangyarihan ang nasasangkot, biglang naglalaho ang mga ebidensya o kaya naman ay nagkakaroon ng “recantation” o pagbawi ng testimonya, gaya ng prediksyon ni Imee sa testigong si Orly Guteza. Araykupo!
Hindi rin matanggap ng publiko ang sagot nina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson na “imbento” o “walang basehan” ang mga paratang ni Imee. Bagama’t tungkulin nilang protektahan ang integridad ng Senado, hindi maikakaila ang katotohanang bumagsak sa record-low ang trust ratings ng mataas na kapulungan.
Naku ha!
Ang kailangan ng taumbayan ay hindi pagtatanggol sa institusyon, kundi isang tunay at walang kinikilingang imbestigasyon.
Sabi nga ng mga bubwit ng BERDUGO, kung seryoso ang Department of Justice (DOJ) na linisin ang bansa sa mga “ghost projects” at substandard na flood control projects, hindi sapat na ang mga nasa listahan lang ang usigin. Tumpak!
Dagdag pa nila, ang katarungan ay hindi dapat namimili ng apelyido o posisyon.
Eh kasi nga naman, kung may sapat na basehan laban sa mga mambabatas mula sa Benguet o ACT-CIS, dapat ay ganoon din kahigpit ang pagsusuri sa mga itinuturing na “big fish” na nasa likod ng pagpapalabas ng pondo.
Ang hiling ni Imee na ibalik si Rodante Marcoleta sa Blue Ribbon Committee ay isang hamon sa Senado: Handa ba silang maging matapang muli para mabawi ang tiwala ng publiko? O mananatili silang sunud-sunuran sa dikta ng mga nasa itaas? Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Nakupo! Itong flood control scandal ay hindi lang tungkol usapin sa perang kinurakot mga ka-Berdugo, kundi ito ay tungkol sa mga buhay at ari-ariang nawala tuwing bumabaha dahil ang perang dapat sana ay proteksyon ng masa, na napunta lamang sa bulsa ng iilan. Mga buset!
Ika nga ng mga bubwit ng BERDUGO, hindi dapat maging araw ng “token investigation” lamang yung napapaulat na mangyayari sa Enero a-kinse! Ito dapat ang simula ng tunay na pagpapanagot, maging kakampi man ‘yan o kaaway, pisan man o kaalyado. Period!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com.
