Handa nang sumabak ang Philippine Red Cross (PRC) sa darating na Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong 2026!
Dahil inaasahang dambuhalang crowd ang bubuhos sa Maynila, “all-out” ang preparasyon ng ahensya para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
Ayon sa PRC, mahigit 1,261 personnel at volunteers ang ikakalat sa ruta ng prusisyon. Hindi lang basta tao, kundi may kasama pang 39 na ambulansya, rescue boats sa Ilog Pasig, at mga roving medical teams na naka-scooter at foot patrol para makasingit sa siksikan.
Magtatayo rin ng “mini-hospital” o Modular Emergency Medical Unit sa Kartilya ng Katipunan. May 10-bed emergency room ito at 50-bed ward para hindi na kailangang itakbo sa malalayong ospital ang mga magtatamo ng minor injuries. May 17 first aid stations din na makikita sa Quirino Grandstand, Quiapo Church, Ayala Bridge, at Quezon Boulevard.
Ayon kay PRC Chairman & CEO Richard J. Gordon, tungkulin nilang protektahan ang buhay ng bawat deboto sa gitna ng selebrasyon ng pananampalataya.
Paalala naman ni Sec. Gen. Gwen Pang sa mga lalahok, magbaon ng tubig at magsuot ng komportableng damit, laging magdala ng ID na may emergency contact number at iwanan na ang mga mamahaling gamit sa bahay.
Mahigpit ding pinapayuhan ang mga buntis, matatanda, maysakit, at mga bata na huwag nang sumabak sa gitna ng siksikan para hindi mapahamak. (Arnold Pajaron Jr)
