Photo credit: The Varsitarian
Muling pinatunayan ng University of Santo Tomas (UST) ang husay nito sa larangan ng batas matapos makasungkit ng limang pwesto sa Top 20 ng 2025 Bar Examinations.
Sa paglabas ng resulta nitong Miyerkules, Enero 7, ibinida ng UST Manila ang apat nilang pambato, habang isang matagumpay na candidate naman ang nagmula sa UST-Legazpi.
Kabilang sa mga mag-aaral na nagpakitang-gilas at nakakuha ng mataas na grado sina Spinel Albert Allauigan Declaro na nakakuha ng ikalawang puwesto (92.46%), Alaiza Agatep Adviento sa ikatlong puwesto (91.91%), Mark Angelo Galvez Santos sa ikalimang puwesto (91.58%), at Johan Raphael Silapan Gata na nasa ikapitong puwesto (90.90%). Hindi rin nagpahuli ang UST-Legazpi matapos makamit ni Mae Angela Damaso Locsin ang ika-16 na puwesto taglay ang gradong 89.42%.
Sa kategorya ng mga paaralang may higit sa 100 kumuha ng pagsusulit, pumuwesto ang UST sa ikatlong ranggo na may 87.16% passing rate. Nanguna sa listahang ito ang Ateneo de Manila University (96.52%) at University of the Philippines (94.63%).
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pasasalamat si Dean Nilo Divina ng UST Faculty of Civil Law. Ayon sa kanya, ang tagumpay na ito ay bunga ng dedikasyon ng mga estudyante at suporta ng buong komunidad ng UST, kabilang ang mga paring Dominikano sa pangunguna ni Father Rector Richard Ang, O.P.
“Producing five Bar topnotchers is a testament to the dedication of our students, the tireless commitment of our faculty, and the unwavering support of the Dominican Fathers, led by the Father Rector, Reverend Father Richard Ang, O.P., families and mentors who walked this journey with them,” ayon kay Divina sa isang pahayag.
“At UST Faculty of Civil Law, our guiding formula has always been simple yet profound: study as if everything depends on study, and pray as if everything depends on prayer. We thank God for His grace, and we thank everyone who believed, worked hard, and prayed with us,” dagdag niya.
Naging sentro rin ng atensyon ang kuwento ni Spinel Albert Allauigan Declaro (Rank 2). Ayon kay Bar Chairperson Associate Justice Amy Lazaro-Javier, unang kumuha ng Bar exam si Declaro mahigit 12 taon na ang nakalilipas ngunit hindi pinalad noon.
Tumigil si Declaro sa pagkuha ng pagsusulit at nagpokus sa pagiging isang matagumpay na negosyante. Gayunpaman, dahil sa panghihikayat ni Lazaro-Javier, sinubukan niyang muli at ngayon ay isa na sa mga nanguna sa buong bansa.
Sa kabuuan, 5,594 mula sa 11,420 na kumuha ng pagsusulit ang opisyal nang magiging abogado, na nagtala ng passing rate na 48.98%. (Mina Paderna)
