Photo credit: Manila PIO
Nanawagan ang mga awtoridad sa mga deboto at sa publiko na makipagtulungan sa mga ipatutupad na security measures at advisories para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno ngayong darating na Enero 9.
Inaasahang milyun-milyong lalahok ang dadagsa sa lungsod, kaya naman idineklara na ng Malacañang ang nasabing petsa bilang isang special non-working day sa Maynila upang matiyak ang kaayusan ng taunang Traslacion.
Kasabay nito, sinuspinde na rin ng pamahalaang lungsod ang mga klase sa lahat ng antas pati na ang pasok sa mga opisina ng gobyerno sa Maynila.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinal na ang contingency plans ng Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa crowd management at traffic, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matiyak ang isang mapayapa at makabuluhang selebrasyon.
Tinatayang nasa 18,200 na mga tauhan ng pulisya ang ipakakalat sa mga istratehikong lugar gaya ng Quirino Grandstand, sa ruta ng Traslacion, at sa paligid ng Simbahan ng Quiapo.
Bilang bahagi ng mas mahigpit na seguridad, magpapatupad ang mga awtoridad ng no-fly zones at maglalagay ng mga cellular signal jammer malapit sa mga lugar na dadaanan ng prusisyon, habang mananatiling strikto ang pagpapatupad ng gun ban sa buong lungsod.
Nagpaalala rin ang DILG sa mga deboto na iwasan ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit gaya ng mga matatalim na bagay, paputok, at mga lalagyang gawa sa bubog.
Sa kabila ng mahigpit na seguridad, inatasan ni Castro ang mga pulis na manatiling mahinahon, alerto, at makatao sa pakikitungo sa publiko upang mabalanse ang kaayusan at ang pagbibigay-pugay sa relihiyosong kahalagahan ng okasyon. (Boyet Barba Jr)
