Screenshot: Vice Ganda vlog
Hindi napigilan ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 Best Actor na si Vice Ganda ang maging emosyonal sa kanyang pagbisita sa Hong Kong Disneyland, kung saan nagbahagi siya ng mga taos-pusong hiling para sa kanyang home network at para sa bansa.
Sa kanyang pinakabagong vlog na kinunan sa mismong theme park—kung saan din kinunan ang ilang eksena ng hit movie na ‘Call Me Mother’—ipinakitang naghulog ng barya si Vice sa isang wishing well habang inaalala ang mga pagsubok na kinakaharap ng ABS-CBN.
Diretsahan ang naging hiling ng Unkabogable Star para sa tagumpay ng mga bagong programa ng kumpanya at para sa kapakanan ng mga empleyado nito.
“Magwi-wish ako para sa mga taga ABS-CBN, sana maging matagumpay ang mga programang ima-mount ninyo at sana magkaroon pa kayo ng maraming opportunities sa platforms para makabawi-bawi naman ang kumpanya,” ani Vice.
Dagdag pa niya, hangad niya ang kaginhawaan para sa bawat miyembro ng Kapamilya family upang mas marami pa silang maabot na manonood gamit ang kanilang de-kalidad na mga programa.
Bukod sa usaping showbiz, hindi rin pinalampas ni Vice ang pagkakataon na magbigay ng matapang na pahayag tungkol sa sitwasyon ng Pilipinas, partikular na ang isyu ng korapsyon.
“Ako ang wish ko, mawala silang lahat sa Pilipinas… kailangang mapalitan silang lahat ng mga bago na fresh, matitino, maganda ang kaluluwa, maganda ang puso,” diin ng aktor, na naniniwalang kailangan ng “fresh start” para sa tunay na pag-unlad ng bansa.
Kasama rin ni Vice sa nasabing vlog ang kanyang co-star na si Nadine Lustre. Kung ang hiling ni Vice ay para sa nakararami, naging mas personal naman ang kay Nadine. Humiling ang aktres ng kapayapaan para sa kanyang yumaong kapatid, kung saan nabanggit niyang tila nararamdaman niya ang presensya nito sa paligid.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pamamayagpag ng ABS-CBN sa iba’t ibang platforms gaya ng AllTV2, YouTube, at digital streaming. Samantala, ang pelikula nilang ‘Call Me Mother’ sa ilalim ng direksyon ni Jun Robles Lana ay isa pa rin sa mga top-grossing entries at kasalukuyang mapapanood sa mga sinehan nationwide.
Bukod kay Vice at Nadine, tampok din sa pelikula ang child actor na si Lucas Andalio at ang komedyanteng si John Lapus. (MADS REYES)
