Photo Credit: Watchmen Daily Journal
Walang awat sa laro at tila hindi nagbabakasyon ang Pinay tennis sensation na si Alex Eala matapos niyang dominahin si Petra Marcinko ng Croatia, 6-0, 6-2, upang umabante sa quarterfinals ng WTA 250 ASB Classic ngayong Huwebes ng umaga (Manila time), sa Auckland, New Zealand.
Sa loob lamang ng isang oras at tatlong minuto, ipinamalas ng 20-anyos na si Eala ang kanyang bangis sa court. Sa unang set pa lamang, hindi pinaporma ng World No. 53 ang kanyang katunggali at nakuha ang lahat ng tatlong break points para sa isang malinis na 6-0 sweep sa loob lamang ng 10 minuto.
Nagpakita ng bahagyang laban ang Croatian na si Marcinko (World No. 82) sa simula ng ikalawang set nang makuha nito ang kalamangan, 2-1. Gayunpaman, mabilis na nakabawi si Eala sa fourth game upang itabla ang iskor sa 2-2. Mula rito, tuluyan nang kinuha ng Filipina ang momentum at humarurot sa apat na sunod-sunod na panalo upang tuldukan ang laban.
Ang ASB Classic ang unang sabak ni Eala ngayong 2026 matapos ang kanyang kamangha-manghang pagkapanalo ng gold medal sa Southeast Asian Games noong nakaraang Disyembre. Nagsisilbi rin itong mahalagang tune-up para sa kanyang inaabangang debut sa Australian Open sa darating na Enero 18.
Sa kabila ng paglalaro sa ibang bansa, ramdam ni Eala ang suporta ng mga kababayan dahil sa dami ng mga Pilipinong nanonood sa stadium. Sa kanyang post-match interview, emosyonal na nagpasalamat ang tennis star.
“Home is a people and not the place,” pahayag ni Eala bilang pagkilala sa mainit na suporta ng mga Pinoy fans sa Auckland.
Susunod na makakalaban ni Eala sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan ng 5th seed na si Magda Linette at Elisabetta Cocciaretto. (RON TOLENTINO)
