Photo credit: stronggroupathl/Instagram
Tapos na ang paghihintay ng mga volleyball fans dahil opisyal na ang paglipat ng beteranang open hitter na si Ara Galang sa kampo ng Strong Group Athletics (SGA) para sa darating na 2026 PVL season.
Si Galang ang itinuturing na “biggest fish” sa free agency pool matapos ang biglaang pagbuwag ng Chery Tiggo Crossovers noong Disyembre. Sa kanyang pagpirma, siya ang naging ika-10 player na nakuha ng SGA sa offseason na ito, na lalong nagpatibay sa opensa at depensa ng nasabing koponan.
Hindi mag-iisa si Galang sa SGA dahil kasama niya ang lima pang dating teammates mula sa Chery Tiggo. Sa kabuuan, anim sa 10 bagong pirma ng SGA ay nagmula sa disbanded Crossovers.
Ito ay sina Ara Galang (Opposite/Outside Hitter), Mylene Paat, Cess Robles, Imee Hernandez, Karen Verdeflor at Renee Penafiel.
Bukod sa kanila, nakuha rin ng SGA ang serbisyo nina Chie Saet at Remy Palma mula sa Petro Gazz, gayundin sina Royse Tubino at Bia General mula sa Choco Mucho.
Sa edad na 31, hindi na bago para kay Galang ang harapin ang mga ganitong sitwasyon. Noong 2023, napilitan din siyang humanap ng bagong tahanan matapos ang sorpresang pag-atras ng F2 Logistics Cargo Movers sa liga. Gaya noon, naging mabilis ang pag-agaw sa kanya ng mga koponan hanggang sa piliin niya ang programa ng Strong Group.
Dahil sa ilalim ng SGA stable ang mga team na Farm Fresh Foxies at ZUS Coffee Thunderbolts, inaasahang sa isa sa dalawang koponang ito isasalang si Galang para magsilbing lider at magbahagi ng kanyang championship-level experience.
Sa agresibong paggalaw ng SGA sa market, malinaw ang mensahe nila para sa susunod na season: nais nilang pagsamahin ang husay ng mga “young guns” at ang tatag ng mga subok na veteran aces.
Ang pagdating ni Galang, na isang dating Invitational Conference Best Opposite Hitter, ay inaasahang magbibigay ng kailangang “firepower” para makipagsabayan sa mga higante ng liga. (RON TOLENTINO)
