Mga ka-Berdugo, sa loob ng mahigit tatlong dekada, naging bihag ng Republic Act 7880 ang pangarap ng mga kabataang Pilipino para sa maayos na silid-aralan. Ang batas na ito ang nagbigay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng solong kapangyarihan sa pagtatayo ng mga paaralan, isang mandatong imbes na maging solusyon, ay tila naging mitsa pa ng korapsyon at matinding delay.
Ngayong 2026, sa ilalim ng pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, sa wakas ay makakakita tayo ng liwanag: ang pagbaklas sa monopolyo ng DPWH. Yahoo!
Hindi na kataka-taka kung bakit kailangang bawasan ang papel ng DPWH. Noong nakaraang taon, nabalot ang ahensya sa iskandalo ng mga “ghost projects” at substandard na imprastraktura. Isipin ninyo, sa 1,700 classrooms na target noong 2025, kakarampot na 22 lamang ang natapos hanggang noong Oktubre. Samantala, ang presyo ng bawat silid ay umaabot sa nakakalulang P2.8 milyon hanggang P3.5 milyon. Nakupo! Naloko na!
Paano nga naman maipaliliwanag ang napakamahal na presyong ito mga ka-Berdugo, kung ang output ay alinman sa hindi tapos o hindi naman talaga umiiral? Ito ay malinaw na insulto sa mga buwis na ibinabayad ng mamamayan.
Sa ilalim ng bagong General Appropriations Act (GAA), hindi na lamang DPWH ang may hawak ng maso at pako. Sa target na 24,000 classrooms ngayong taon, tanging 25% o 6,000 lamang ang planong ipaubaya sa DPWH at ayon pa kay Secretary Angara, mukhang 2,000 lamang ang kayang pangatawanan ng ahensya. Kanya-kanyang gimik lang po ‘yan!
Dito pumapasok ang pag-asa sa mga Local Government Units (LGUs) at civil society organizations. Ang pag-download ng pondo sa mga LGU ay isang praktikal na hakbang. Sila ang nakakaalam ng pangangailangan sa kanilang lugar, at dahil malapit sila sa kanilang nasasakupan, mas madaling mababantayan ng publiko ang progreso ng mga proyekto.
May pondong nakalaan na P65 bilyon mula sa higit isang trilyong budget ng DepEd. Ang tanong na lamang mga ka-Berdugo ay kung gaano kabilis mailalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo. Sabi nga ni Angara, “Gusto na itong i-take on ng mga LGU.” Ang excitement na ito ay dapat tapatan ng mabilis na aksyon ng gobyerno.
Bagaman aminado ang DepEd na mahirap tapusin ang lahat ng 24,000 classrooms sa loob ng isang taon dahil sa mga historical delays, ang mahalaga ay nagsimula na ang “decentralization.” Hindi na tayo pwedeng umasa sa iisang ahensya na napatunayan nang makailang ulit na hindi kayang sumabay sa bilis ng pangangailangan ng ating mga estudyante.
Ang paglipat ng responsibilidad mula sa isang maduda at mabagal na sistema patungo sa mas malapit na pamamahala ng mga LGU ay isang matapang at tamang desisyon.
Panahon na upang kalimutan ang mga “ghost classrooms” at simulan ang pagbuo ng mga tunay na silid-aralan na deserve ng bawat batang Pilipino. ‘Yun lamang po.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
