Opisyal nang inanunsyo ng Japan B.League ngayong Martes na hindi makakapaglaro ang Filipino center na si Kai Sotto sa inaabangang 2026 All-Star Game na gaganapin sa Nagasaki, Japan.
Dahil sa iniindang ACL injury, hindi makakasama ang 7-foot-3 center ng Koshigaya Alphas sa Asia All-Stars team na nakatakdang makaharap ang Rising Stars selection sa midseason showcase ng liga.
Matatandaang mula pa noong nakaraang taon ay hindi na nakakalaro si Sotto, dahilan din para hindi siya makasama sa Gilas Pilipinas sa mga nakalipas na torneo. Bagaman umasa ang kampo ng basketbolista na makakaabot siya sa All-Star event, ang anunsyong ito ay hudyat na kailangan pa ng mahabang panahon para sa tuluyang paggaling ng kanyang tuhod.
Bukod kay Sotto, hindi rin makakalaro ang Chinese center na si Michael Ou dahil sa pinsala.
Sa kabila ng pagkawala ni Sotto, tuloy ang ratsada ng apat na iba pang Pinoy imports na magpapakitang-gilas sa Nagasaki mula Enero 16 hanggang 18. Kabilang sa mga lalahok sina Dwight Ramos (Levanga Hokkaido), AJ Edu (Gunma Crane Thunders), Kiefer Ravena (Yokohama B-Corsairs) at Ray Parks (Osaka Evessa)
Makakasama ng mga Pinoy sina Yang Jae Min at Lee Hyun Jung ng South Korea; Omar Jamaleddine at Sergio El Darwich ng Lebanon; at Yu Ai-che ng Chinese Taipei.
Makakatapat ng Asia All-Stars ang “Rising Stars” team na binubuo ng mga pambato ng Japan (24-under prospects), B2 Selected mula sa second division, at ang Kyushu United na kinabibilangan ng mga manlalaro mula sa rehiyon ng Kyushu (Nagasaki, Saga, Fukuoka, Kumamoto, Kagoshima, at Ryukyu). (RON TOLENTINO)
