Nanindigan ang mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema na dapat itong kumilos para maibalik sa bansa ang kanilang ama mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Nitong Lunes, Enero 5, naghain ng kani-kanilang memorandum sina Davao City Rep. Paolo Duterte at Veronica “Kitty” Duterte sa pamamagitan ng kanilang mga abogado at dating presidential spokesmen na sina Harry Roque at Salvador Panelo.
Nagsumite rin ng hiwalay na memorandum si Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte noong Disyembre 29.
Ito ang naging tugon ng pamilya Duterte matapos ipag-utos ng Mataas na Hukuman noong Nobyembre na magpaliwanag ang mga partido kung “moot” o wala na bang saysay ang kanilang inihaing habeas corpus petitions at kung dapat bang magpigil ang korte sa pakikialam sa isyu.
Ayon sa mga Duterte, nananatiling relevant ang kanilang petisyon dahil ang pag-aresto, pagsuko sa ICC, at detensyon ng dating pangulo ay “ilegal at labag sa Konstitusyon.” Iginiit nila na may hurisdiksyon pa rin ang Pilipinas sa kanilang ama sa kabila ng pagkakakulong nito sa ibang bansa.
Sa kabilang banda, pormal namang hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kanilang memorandum nitong Enero 5 na ibasura ang mga petisyon.
Ayon sa OSG, wala itong merito at itinuturing nang “moot” dahil nasa labas na ng bansa at nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng ICC ang dating lider.
Matatandaang inaresto si Duterte ng Interpol noong Marso 2024 sa bisa ng warrant mula sa ICC dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, hindi pa nagtatakda ng petsa ang ICC Pre-Trial Chamber I para sa confirmation of charges hearing.
Naantala ang proseso matapos igiit ng kampo ni Duterte na dumaranas ang dating pangulo ng cognitive deficiencies o paghina ng kaisipan.
Gayunpaman, binigyang-diin ng mga prosecutor na base sa pagsusuri ng mga independent medical experts, si Duterte ay “fit to stand trial” o sapat ang lakas para humarap sa paglilitis.
