Habang ang buong bansa ay nakapako ang tingin sa mga barko ng China Coast Guard na nambu-bully sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS), may mas malalim at mas nakakaalarmang “budol” na nangyayari sa loob mismo ng ating mga bakuran.
Mga ka-Sampaguita, ito ang tunay na name of the game ng Beijing: isang malaking decoy.
Habang nililibang tayo ng tensyon sa karagatan, abala naman ang mga kumpanyang pag-aari ng gobyerno ng Tsina sa pagkuha ng ating sariling buhangin at lupa upang itambak sa kanilang mga artificial islands.
Sa madaling salita, ang materyales na ginagamit para agawin ang ating teritoryo ay galing mismo sa ating mga baybayin. Ito ay hindi lang insulto mga ka-Sampaguita, kundi ito ay isang malubhang banta sa pambansang seguridad.
Paano natin natitignan nang diretso ang ating mga sarili habang ang China Communications Construction Company (CCCC) at ang subsidiary nitong China Harbor Engineering Corp. (CHEC) ay malayang nag-ooperate sa ating mga katubigan? Aber!
Ayon sa mga ulat, ang CCCC ang nasa likod ng paggawa ng mga artificial islands sa Mischief Reef—isang lugar na malinaw na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ayon sa UNCLOS. Paktay na!
Nakakapanghina ng loob na isipin na ang mga kumpanyang ito, na itim na ang record sa World Bank dahil sa korapsyon at bawal sa ibang bansa dahil sa pagiging “tool” ng militar ng Tsina (PLA), ay binibigyan pa natin ng mga permit para sa “flood mitigation” at “river restoration.”
Mula Zambales hanggang Mindoro, ang mga dredging operations na ito ay tila nagsisilbing supply line para sa pananakop ng Tsina. May mga ulat na ang nahuhukay na buhangin ay hindi lang ginagamit sa reklamasyon sa Manila Bay, kundi dinadala rin sa mga disputed areas sa WPS. Kung totoo ito, tayo mismo ang nagbibigay ng bala sa baril na nakatutok sa ating sentido.
Dagdag pa rito mga ka-Sampaguita ang nadiskubre ng Philippine Coast Guard kamakailan. Ito po ‘yung labintatlong Chinese nationals sa isang dredging vessel na may dalang mga uniform ng People’s Liberation Army (PLA). Ito ba ay simpleng trabahador lang o mga “sleeper agents” na nagpapanggap na seafarer?
Noong Mayo 2025, nag-utos si Pangulong Marcos ng imbestigasyon sa mga coastal dredging na ito. Ngunit mahigit kalahating taon na ang lumipas, tila nabaon na rin sa buhangin ang resulta. Arayko!
Bakit nananatiling tikom ang bibig ng NICA at iba pang ahensya? Bakit hinahayaan nating magpatuloy ang 60 barko ng CHEC sa ating karagatan sa kabila ng “spoofing” o pagtatago ng kanilang tunay na lokasyon at identidad?
Hindi sapat ang “cumulative impact assessment” o ang pag-asa sa “seaworthiness” ng mga barko. Ang kailangan ay isang matapang at komprehensibong polisiya. Hindi dapat bigyan ng puwang ang mga kumpanyang may direktang kinalaman sa paglapastangan sa ating soberanya.
Gaya ng babala ni Retired Justice Antonio Carpio: ang pakikipagtransaksyon sa mga kumpanyang ito ay katumbas ng pagtulong sa Tsina na agawin ang ating mga isla.
Huwag tayong padala sa “decoy.” Habang binabantayan natin ang ating mga bahura (reefs), bantayan din natin ang ating mga ilog at baybayin. Dahil baka isang umaga, magising na lang tayo na ang lupang kinatatayuan natin ay naging bahagi na ng base militar ng dayuhan sa gitna ng dagat. Tsk!
