Hindi naging hadlang ang matatayog na bundok at malayong distansya para sa magkapatid na Aeta na sina Rowena at Janet Sibal matapos nilang opisyal na hirangin bilang mga Licensed Professional Teachers (LPT) sa katatapos lamang na 2025 Licensure Examination for Teachers.
Sa kabila ng mga pagsubok, ipinamalas ng magkapatid ang determinasyon sa kanilang paglalakbay patungo sa tagumpay.
Linggu-linggo, bumababa ang dalawa mula sa kanilang komunidad sa kabundukan upang magtungo sa isang review center sa Angeles City.
Dito nila hinahanap ang mas malakas na signal ng internet at ang pagkakataong mapatibay ang kanilang kaalaman para sa pagsusulit.
Para kay Rowena Sibal, ang lisensya ay bunga ng hindi matatawarang pagtitiyaga. Hindi siya sumuko kahit apat na beses siyang sumubok sa mga nakaraang board exams. Sa kanyang ikalimang pagkakataon, sa wakas ay nakamit na niya ang inaasam na titulong LPT.
Sa kabilang banda, naging inspirasyon din si Janet Sibal matapos niyang maipasa ang board exam sa kanyang unang subok pa lamang.
Naging simbolo ang magkapatid na ang kahirapan, layo ng lugar, at oras ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap.
Ayon sa magkapatid, ang kanilang tagumpay ay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa kanilang katutubong komunidad na nais nilang paglingkuran bilang mga ganap na guro.
Sa kasalukuyan, umani ng papuri sa social media ang magkapatid dahil sa kanilang kuwento ng katatagan na nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa nila estudyante at katutubo sa buong bansa. (Mina Paderna)
