Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes, Enero 6, na nananatiling matatag at “ironclad” ang alyansang militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, sa kabila ng kontrobersyal na pagkilos ng Washington sa Venezuela na nagdulot ng pangamba sa seguridad ng rehiyon.
Kasunod ito ng matinding kritisismo na tinanggap ng Estados Unidos sa United Nations Security Council matapos ipag-utos ni Pangulong Donald Trump ang mga pag-atake sa Venezuela upang arestuhin ang lider na si Nicolas Maduro at asawa nitong si Cilia Flores para litisin sa Amerika.
Mariing kinondena ng Tsina at iba pang bansa ang nasabing hakbang bilang isang “crime of aggression.”
Sa isang press briefing, nagbabala si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, laban sa mga pagsisikap ng United Front Works ng Chinese Communist Party na gamitin ang sitwasyon upang wasakin ang tiwala ng mga Pilipino sa Amerika.
“Ang mga pahayag mula sa US Embassy dito sa Maynila ay paulit-ulit na nagsasabi na ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US ay ironclad,” ani Trinidad. “Layunin ng Tsina na maghasik ng duda sa isipan ng mga Pilipino na ang US ay hindi isang maaasahang partner.”
Tumanggi ang opisyal na iugnay ang kaganapan sa Venezuela sa sitwasyon sa Indo-Pacific. Binigyang-diin niya na ang pokus ng AFP ay ang mga aktwal na hakbang ng US at iba pang “like-minded nations” sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Trinidad, ang 75-taong Mutual Defense Treaty (MDT) at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) — na nagbibigay-daan sa siyam na military sites sa bansa — ay nagsisilbing matibay na pundasyon at deterrent laban sa agresyon ng Tsina.
Bilang patunay ng lakas ng ugnayan, inanunsyo ng AFP na mas maraming joint military drills o Balikatan ang nakatakda para sa taong 2026. Inaasahang dadagsa ang rekord na bilang ng mga tropang Amerikano, kasama ang mga kaalyado mula sa Japan, Australia, New Zealand, at Canada.
“Ang mga pagsasanay sa West Philippine Sea ay hindi lamang simpleng training kundi bahagi na ng aming operational maneuver. Pinahihintulutan nito na masakop namin ang mas malawak na bahagi ng aming maritime domain,” dagdag ng Admiral.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng ulat na pinagsasama na ng Tsina ang puwersa ng kanilang PLA Navy, Coast Guard, at militia, maging sa himpapawid sa pamamagitan ng mga bomber planes. “Handa kami sa anumang posibleng mangyari gamit ang aming kasalukuyang kakayahan, kasama ang tulong ng mga bansang kaisa sa aming adhikain,” pagtatapos ni Trinidad.
