Ngayong simula ng 2026, isang mahalagang hakbang para sa mga Pilipino ang pagtutok sa kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng Personal Equity and Retirement Account (PERA) bilang bahagi ng kanilang New Year’s resolution.
Ang PERA, na itinatag sa ilalim ng PERA Act of 2008, ay ang bersyon ng Pilipinas ng 401(k) sa Estados Unidos.
Layunin nito na tulungan ang mga manggagawa na mag-ipon para sa kanilang pagtanda sa tulong ng mga tax incentives na hindi nakukuha sa ordinaryong pamumuhunan.
Bakit sulit ang PERA?
Ayon sa mga eksperto sa pananalapi, hindi nito layuning “magpayaman nang mabilis,” kundi gawing mas epektibo ang pag-iipon. Narito ang tatlong pangunahing benepisyo ng pagbubukas ng PERA account:
1. 5% Tax Credit: Makakakuha ang contributor ng tax credit na katumbas ng 5% ng kanyang kabuuang kontribusyon sa loob ng isang taon. Halimbawa, ang kontribusyon na P100,000 ay may katumbas na P5,000 na rebate na magagamit pambayad sa income tax.
2. Tax-Exempt Investment Income: Ang kikitain ng iyong pera sa loob ng account ay hindi kakaltasan ng karaniwang 20% withholding tax, kaya mas mabilis na lalago ang iyong pondo.
3. Tax-Free Withdrawal: Kapag umabot na sa edad na 55 at nakapag-ambag nang hindi bababa sa limang taon, maaari nang makuha ang buong pondo nang walang tax.
Mula nang ilunsad ang unang digital PERA platform noong 2020, mas naging madali na para sa mga ordinaryong Pilipino ang mag-invest. Bukod sa mga malalaking bangko tulad ng BPI, pumasok na rin ang mga securities brokers gaya ng DragonFi upang mag-alok ng access sa mga PERA-qualified funds tulad ng money market, bonds, at equity UITFs.
Pinaalalahanan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga nais magbukas ng account na ang PERA ay disenyo para sa pangmatagalan. Upang matamasa ang mga tax perks, kailangang sundin ang “55 and 5” rule: dapat ay edad 55 na ang depositor at nakapaghulog na ng limang taunang kontribusyon.
Ang maagang pag-withdraw ay may kaakibat na multa, maliban na lamang sa mga emergency cases gaya ng malubhang sakit, aksidente, o permanenteng kapansanan.
Isa pang mahalagang aspeto ng PERA ay ang proteksyong legal nito. Ayon sa batas, ang mga asset sa PERA ay hindi maaaring hatakin o kumpiskahin kahit na ang contributor ay nahaharap sa insolvency o mga kasong may kinalaman sa utang.
Sa gitna ng pagpasok ng bagong taon, ang PERA ay nagsisilbing “healthy friction” — isang paraan upang disiplinahin ang sarili na huwag galawin ang perang inilaan para sa takdang panahon ng pagpapahinga mula sa pagtatrabaho. (LIMUEL TOLENTINO)
