Mariing pinabulaanan ng Senior Citizens Party List (SCPL) ang mga kumakalat na impormasyon sa social media na nagdadawit sa kanila sa umano’y malalaking “insertions” sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang opisyal na pahayag, tinawag ng grupo na “walang katotohanan” at “mapanlinlang” ang mga ulat na nagsasabing pang-apat ang kanilang party list sa mga may pinakamalaking alokasyon sa DPWH base sa tinatawag na “Cabral Files” na diumano’y inilabas ni Cong. Leandro Leviste.

Ayon sa SCPL, hindi sila benepisyaryo ng mga proyektong binabanggit sa naturang post at wala silang kinalaman sa anumang malalaking insertions sa pambansang badyet.
“Ang ipinakakalat na impormasyon ay malinaw na mapanlinlang at walang sapat na batayan. Ang paghahanap ng katotohanan ay hindi dapat isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news o sa pagdungis ng pangalan ng mga hindi sangkot,” anang grupo.
Nagbabala rin ang party list na huwag gamitin ang kanilang pangalan bilang “panglihis” o panangga ng mga tunay na indibidwal na may pananagutan sa usapin ng katiwalian. Nanindigan ang grupo sa prinsipyo ng transparency at pananagutan, at bukas sila sa anumang malayang imbestigasyon kung kinakailangan.
Hinimok ng SCPL ang publiko na maging mapanuri at mapagmatyag sa mga nababasa at ibinabahagi sa social media upang hindi maging biktima ng maling impormasyon.
“Patuloy kaming magsisilbi nang may integridad at tapat sa layuning itaguyod ang kapakanan ng mga nakakatandang Pilipino,” pagtatapos ng pahayag. (MINA PADERNA)
