Upang matiyak na hindi masasayang ang pondo ng bayan, bubuuin na sa mga susunod na araw ang Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Sen. Sherwin Gatchalian ngayong Miyerkules, layunin ng komiteng ito na higit na higpitan ang pagbabantay sa paggamit ng budget at pagpapatupad ng mga proyekto, lalo na sa sektor ng imprastraktura, ngayong papasok na ang pamahalaan sa spending phase ng 2026 national budget.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, nilinaw ni Gatchalian na ang paglikha sa naturang oversight body ay dati nang nakasaad sa General Appropriations Act (GAA), ngunit hindi lamang naipatupad sa mga nakalipas na taon.
“Actually, hindi na bago ito. It’s under the General Appropriations Act… It has never been created so ngayon lang iki-create namin in the next few days,” ani Gatchalian.
angunahing tututukan ng komite ang matagal nang problema sa underutilization o ang hindi paggamit ng mga ahensya sa kanilang inilaang budget, gayundin ang proseso ng pagsasagawa ng mga proyekto kapag naaprubahan na ang pondo.
Nais din ng oversight body na busisiin kung nasusunod ang bottom-up process kung saan dapat ay nagmumula sa prayoridad ng mga Local Government Units at komunidad ang mga proyektong nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP).
Layon din ng hakbang na ito na maiwasan ang mga kuwestiyonableng project insertions sa gitna ng deliberasyon sa Kongreso. Nais ni Gatchalian na matiyak na ang mga panukala mula sa mga lokal na pamahalaan ang tunay na nasasalamin sa budget.
“Kasi tapos na yung budget at implementation na ngayon, so ang implementation na ngayon ang dapat ma-monitor,” dagdag pa niya.
Ang nasabing oversight committee ay pamumunuan nang magkasama ng mga chairperson ng Senate Committee on Finance at House Committee on Appropriations. (MINA PADERNA)
