“Inosente si Cong. Marcy Teodoro at walang sapat na basehan ang mga reklamo laban sa kaniya!”
Ito ang naging pahayag ng kampo ng Marikina 1st District Representative kasabay ng pagkuwestiyon sa pormal na pagsasampa ng kaso o indictment ng Department of Justice (DOJ) laban sa mambabatas.
Iginiit ng kaniyang legal counsel na gawa-gawa lamang ang apat na count ng rape through sexual assault at isang count ng acts of lasciviousness na ibinato ng dalawa nitong dating police security officers.
Sa isang pahayag mula sa kaniyang abogado na si Atty. Alma Mallonga, isiniwalat nitong dumaan sa masusing imbestigasyon at mga pagdinig ang kaso sa ilalim ng opisyal na DOJ Panel.
Gayunman, nakagugulat aniyang ang opisyal na resolusyon ay hindi ginawa o pinirmahan ng mismong investigating panel kundi ng ibang State Prosecutor—isang malinaw na indikasyon na pinalitan at binago ang orihinal na rekomendasyon ng panel na ibasura ang mga reklamo.
Sa kabila nito, iginiit ng kampo ng mambabatas na malugod nilang tatanggapin ang paglilitis sa Marikina Regional Trial Court upang patunayan ang kaniyang kawalang-sala.
Aniya, magandang pagkakataon ito upang sa wakas ay lumabas ang katotohanan sa harap ng hukom, matuldukan ang paninira ng kaniyang mga kalaban sa pulitika, at maipaglaban ang hustisya at due process.
