NAKAPAGTALA ng malaking pagtaas sa bilang ng mga bisita sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong nakalipas na holiday season, ayon sa ulat ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa nakuhang impormasyon mula sa ulat ni NBP Acting Superintendent C/Supt. Roger O. Boncales na isinumite kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., umabot sa kabuuang 7,168 na kamag-anak at kaibigan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) ang dumagsa sa pasilidad sa pagitan ng December 23 hanggang January 2.
Sa naturang bilang, 4,676 ang naitalang regular family visits habang 2,492 naman ang dumaan sa stay-in o conjugal visits upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay na nakapiit.
Ipinaliwanag ni Catapang na para sa maraming bilanggo, ang mga pagbisitang ito ay nagsisilbing “lifeline” na nagbibigay ng suportang emosyonal at nagpapaalala sa kanilang buhay sa labas ng pasilidad.
Ang pagkakataong makasama ang pamilya sa loob ng piitan ay malaking tulong upang mabawasan ang bigat ng kalooban at stress na dulot ng pagkaka-isolate sa lipunan.
Ayon pa sa opisyal, bagama’t hindi katulad ng karaniwang pagdiriwang sa labas ang sitwasyon sa loob, pilit pa ring pinananatili ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagsasalo-salo sa pagkain at simpleng palitan ng regalo sa pagitan ng mga PDL at kanilang mga bisita.
Binigyang-diin ni Catapang na ang mataas na bilang ng mga bumisita ngayong holiday season ay isang patunay ng katatagan ng ugnayan ng bawat isa sa kabila ng mga pader ng bilangguan.
Ipinapakita nito ang kahalagahan ng pagpapanatili ng relasyon at nagpapaalala na ang pagmamahal ay walang hangganan, maging sa mga lugar kung saan limitado ang kalayaan.
Ayon sa kaniya, ang ganitong mga aktibidad ay mahalagang bahagi ng rehabilitasyon ng mga bilanggo upang manatiling positibo ang kanilang pananaw sa buhay habang nagsisilbi ng kanilang sentensya. (Mina Paderna)
