Matagumpay na tinapos ng Department of Science and Technology Ilocos Region (DOST Ilocos Region) ang taong 2025 sa pamamagitan ng isang makabuluhang Year-End Program na ginanap noong December 18 hanggang 19 sa EM Royalle Hotel and Beach Resort sa San Juan, La Union.
Ang nasabing dalawang araw na aktibidad ay nagsilbing pagkakataon para sa mga kawani ng ahensya na ipagdiwang ang mga nakamit na tagumpay, magbalik-tanaw sa mga hamon, at maghanda para sa mga plano sa susunod na taon sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Teresita A. Tabaog.
Sa mensahe ni Director Tabaog, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pasasalamat sa bawat indibidwal at kolektibong pagsisikap na naging susi sa matagumpay na paghahatid ng mga programa at serbisyo ng DOST sa buong rehiyon.

Bahagi ng aktibidad ang 2025 Individual Performance Accomplishment Review para sa mga Contract of Service (COS) employees, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kawani na suriin ang kanilang mga nagawa, palakasin ang pananagutan sa trabaho, at magbahagi ng mga inobasyon at inisyatibong naipatupad sa loob ng nakalipas na taon.
Hindi rin kinalimutan ng ahensya ang magbahagi ng biyaya sa komunidad sa pamamagitan ng isang Corporate Social Responsibility (CSR) Gift-Giving Activity sa San Fernando South Central Integrated School.
Ang naturang aktibidad ay naglayong magbigay ng saya at suporta sa mga mag-aaral sa ilalim ng Learners with Special Educational Needs (LSEN) Program, na nagpapatunay sa dedikasyon ng DOST Ilocos Region sa isang inklusibo at makataong serbisyo publiko.
Nagdagdag naman ng saya at kulay sa okasyon ang Search for Mr. and Ms. SCIGLAT 2025 na nilahukan ng anim na kandidato mula sa iba’t ibang koponan, kung saan ipinamalas nila ang kanilang kumpiyansa at pagkamalikhain.

Kasama rin sa programa ang mga team-building activities na binuo upang patatagin ang tiwala at samahan ng bawat miyembro ng ahensya.
Bukod sa pagdiriwang, nagsagawa rin ng mahalagang pagpupulong para sa pagpaplano ng 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) upang matiyak ang maayos na koordinasyon at paghahanda base sa mga naging karanasan sa nakaraang National Science Week.
Sa pagtatapos ng 2025, baon ng pamilyang DOSTOneSCIGLAT ang mas matibay na layunin at pagkakaisa para sa pagpasok ng 2026. S
a pamamagitan ng mas pinatatag na ugnayan at malinaw na pokus, hangad ng DOST Ilocos Region na lalo pang ilapit ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa mga komunidad upang makalikha ng makabuluhang pagbabago at pangmatagalang epekto sa buong Rehiyon 1. (Mina Paderna)
