Nakapagtala ng malakas na interes mula sa mga power generation companies ang Manila Electric Company (Meralco) para sa kanilang Competitive Selection Process (CSP) para sa 200-MW baseload supply requirement.
Sa kasalukuyan, umabot sa 15 kumpanya ang nagpahayag ng pagnanais na sumali, dala ang pinagsama-samang alok na kapasidad na 725 MW para sa pagsunod ng kumpanya sa Renewable Portfolio Standards (RPS).
Pinayuhan na ang nasabing 15 kumpanya na lumahok sa itinakdang Pre-Bid Conference ngayong darating na January 15, 2026, habang ang deadline naman para sa pormal na submission ng mga bid o alok ay nakatakda sa February 16, 2026.
Ang apat na taong Power Supply Agreement (PSA) na magmumula sa prosesong ito ay layong punan ang pangangailangan sa kuryente ng Meralco simula sa January 26, 2026, sa ilalim ng pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon kay Meralco Bids and Awards Committee for Power Supply Agreements (BAC-PSA) Chairman Lawrence S. Fernandez, ang dagsa ng mga interesadong kumpanya ay sumasalamin sa tiwala ng industriya sa procurement process ng Meralco.
Inaasahan ng opisyal na makakatanggap sila ng mga bid na kompetitibo at sumusunod sa mga regulasyon upang suportahan ang kanilang layuning maghatid ng maaasahan, sustainable, at murang kuryente para sa mga konsyumer.
Binigyang-diin din ni Fernandez na bilang isang regulated entity, nananatiling tapat ang Meralco sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng transparency at pagiging patas sa buong takbo ng CSP.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Power Supply Procurement Plan ng Meralco na inaprubahan ng Department of Energy (DOE) upang matiyak ang sapat at malinis na supply ng enerhiya sa hinaharap. (Mina Paderna)
