Photo credit: Mayor Jeannie Sandoval/FB
ALINSUNOD sa mga pagsisikap na gawing mas accessible ang mga serbisyo at programa ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa mga Malabueño, partikular ang mga naapektuhan ng mga sakuna at emerhensiya, pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa 64 pamilya na nawalan ng bahay sa naganap na sunog sa Juliana Street, Barangay Potrero noong unang bahagi ng Enero.
“Alam po namin ang bigat na nararamdaman ng ating mga kababayang naapektuhan ng sunog sa Potrerokaganapan lang, lalo na at kasimula pa lamang ng bagong taon. Kaya naman po agad tayong nagpaabot ng tulong para tiyakin ang muling pag-ahon ng ating mga kababayan mula sa sakunang ito,” ani Mayor Jeannie.
Kasama ang CSWDD, nagtungo si Mayor Jeannie sa Potrero Elementary School kung saan pansamantalang tumutuloy ang mga apektadong pamilya at personal na inabot ang tig-P10,000 sa 16 na may-ari ng mga nasunog na istruktura, P5,000 sa 40 pamilya na ang mga bahay ay ganap na nasira, at P3,000 sa walong pamilya na ang mga bahay ay bahagyang nasira ng sunog.
Nauna rito, nagbigay rin si Mayor Jeannie ng family food packs na naglalaman ng mga de-latang pagkain, bigas, kape, at noodles, pati na rin ng mainit na pagkain, lalagyan ng tubig, at mga hygiene kit, upang matugunan ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Nagpadala rin ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Mobile Jeannie Services, kabilang ang Mobile Shower, habang ang mga tauhan ng City Health Department ay nagsagawa ng mga medikal konsultasyon.
Pinayuhan ng alkalde ang publiko na iwasan ang pag-overload ng mga saksakan ng kuryente, regular na inspeksyunin ang mga sirang o nakalantad na mga kable, patayin ang mga kagamitang elektrikal kapag hindi ginagamit, itago ng maayos ang mga materyales na madaling magliyab, at ilayo ang mga posporo, lighter, at kandila sa mga bata.
Samantala, pinaalalahanan ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang mga residente na manatiling mapagmatyag at mahigpit na sundin ang mga hakbang sa kaligtasan sa sunog, lalo na sa mga komunidad na matao. (JUVY LUCERO)
