Photo credit: Valenzuela City Police Station
REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang security guard na wanted sa kaso ng Sexual Assault at Acts of Lasciviousness nang makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Nothern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang akusado ay isang 56-anyos na security guard na residente ng Barangay Ugong.
Ayon kay Col. Talento, nitong January 6, 2026 lamang nang maglabas ng arrest warrant laban sa akusado ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City para sa dalawang bilang na kasong Sexual Assault at Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 na may inirekomendang piyansa na P540K.
Dahil dito, kaagad iniutos ni P/Capt. Robin Santos sa mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS, sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang malawakang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-1:40 ng hapon nang tuluyang maaresto nina Lt. Viernes ang akusado sa Lamesa Street, Tulay Kawayan, Barangay Ugong saka isinailalim siya sa medical examination bago tinurnover sa kustodiya ng Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS.
Pinuri naman ni BGEN Dela Cruz ang arresting team sa kanilang pagsisikap at matibay na dedikasyon na nagpapalakas aniya ng tiwala ng publiko. Hinimok din niya ang lahat ng tauhan na patuloy na maglingkod sa komunidad nang may kahusayan at integridad. (JUVY LUCERO)
