Umakyat na sa sampu ang kumpirmadong patay sa naganap na pagguho ng isang siyam na palapag na gusali sa Balibago sa lungsod na ito, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 ngayong Linggo.
Narekober ng search and rescue team ang ikasampung bangkay mula sa guho dakong alas-4:47 ng hapon, na kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Nauna rito, magkakasunod na nakuha ng mga awtoridad ang iba pang mga biktima ngayong araw kung saan narekober ang ikawalong bangkay dakong alas-2:51 ng hapon, habang ang ikiyam na biktima naman ay nahukay dakong alas-3:43 ng hapon.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Super Radyo dzBB, inihayag ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo IV na nananatili pa rin sa 14 ang bilang ng mga nawawalang indibidwal sa kanilang talaan.
BASAHIN: TOLENTINO, SINUSPINDE AGAD ANG REGION 3 DIRECTOR SA GUMUHO NA 9-STOREY BUILDING SA PAMPANGA
Ipinaliwanag ni Pelayo na hindi muna babawasan ang bilang na ito hangga’t hindi pa pormal na nakikilala ang huling dalawang labi na kamakailan lang narekober mula sa gumuhong estruktura.
Kinaumagahan naman nitong Linggo, dakong alas-7:50 ng umaga nang maiulat ng Angeles City Information Office kay Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang pagkakahukay sa labi ng isang lalaki na siyang ikapitong nasawi sa trahedya.
Kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang malawakang search, retrieval, at clearing operations ng mga awtoridad sa lugar.
Gumuho ang naturang siyam na palapag na gusali noong madaling araw ng Mayo 24, at isang linggo na ang nakalilipas habang patuloy pa ring hinahanap ang iba pang posibleng nabaon sa mga guho.
