90 sugatan sa karambola sa Benguet
Todo-kamot ng ulo ngayon ang pamunuan ng Victory Liner matapos patawan ng suspensiyon ang 26 na bus nito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay kasunod ng madugong karambola sa Tuba, Benguet noong Sabado, Mayo 30, na nag-iwan ng mahigit 90 kataong sugatan.
Sa utos ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, agad na pinadalhan ng LTFRB ng Show Cause Order ang bus company para pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanilang prangkisa.
Ayon sa report ng pulisya, paakyat patungong La Union ang isang Victory Liner bus habang nakabuntot sa isang SUV nang bigla itong magka-mechanical trouble at mawalan ng kontrol.
BASAHIN: DEATH TOLL SA GUMUHONG GUSALI SA ANGELES CITY, UMAKYAT NA SA 10
Imbes na umabante, umatras at sumalpok ito sa kasalubong na kapareho ring Victory Liner bus at sa SUV. Sa lakas ng impact, sumubsob pa ang bus sa konkretong barrier bago tuluyang tumagilid at nayupi.
Umabot sa mahigit 90 pasahero ang itinakbo sa ospital, kung saan karamihan ay galing sa bus na bumaligtad.
Bagamat nakalabas na ang iba na nagtamo ng gasgas, marami pa rin ang nakaratay at inoobserbahan.
Galit na binuweltahan ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II ang insidente at sinabing hindi pwedeng nganga lang ang kumpanya habang nagdurusa ang mga biktima.
Kinalampag na ng LTFRB ang bus firm at ang insurance provider nito para ilabas agad ang perang pampagamot at tulong pinansiyal sa mga biktima.
“May hawak na kaming police report… pero bibigyan natin sila ng pagkakataong magpaliwanag,” ani Chairman Vigor. “Pero ang prayoridad ngayon, maasikaso ang mga sugatan. Hindi pwede na paghintayin pa natin ang mga pasahero.” Habang gumugulong ang imbestigasyon, tigil-biyahe muna ang 26 bus ng Victory Liner.
