Isang araw pa lamang matapos hirangin bilang bagong kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), bumanat agad si dating Senador Francis Tolentino nang ipataw nito ang isang buwang preventive suspension laban kay Region III Director Geraldine Panlilio.
Ang suspensyon ay bunsod ng malagim na pagguho ng isang tinatayang 9-storey na gusali na kasalukuyang itinataas sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga noong nakaraang Linggo.
Apat (4) katao ang kumpirmadong patay habang 17 iba pa ang naiulat na nawawala sa trahedya.
“I’ll be placing Director Panlilio under preventive suspension for one month while investigation is ongoing,” mariing pahayag ni Tolentino sa mga reporter pagkatapos mismo ng kanyang turnover ceremony, kung saan pinalitan niya ang dating kalihim na si Bienvenido Laguesma.
BASAHIN: FRANCIS TOLENTINO, ITINALAGA BILANG BAGONG LABOR SECRETARY
Nabatid na noong Setyembre 2025 pa pala nagpalabas ng work stoppage order o utos na patigilin ang trabaho sa naturang proyekto dahil sa mga paglabag sa occupational safety and health standards—kabilang ang kawalan ng protective equipment at hindi ligtas na kondisyon sa pagtatrabaho.
Nagtataka ang marami kung bakit tuloy pa rin ang gawaan kaya naman pansamantalang inalis sa pwesto si Panlilio upang bigyang-daan ang malinis at patas na imbestigasyon.
Ang Assistant Director ng rehiyon ang pansamantalang uupo sa bakanteng upuan.
Samantala, ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon Public Information Officer Fire Supt. Maria Leah Sajili, tinapos na nitong Lunes ng gabi ang rescue operations matapos suriin na wala nang senyales ng buhay sa guho.
Mula sa paghahanap ng biktima, lilipat na ang mga awtoridad sa retrieval operations o pagkuha sa mga labi ng mga natabunan.
Sinisiyasat na rin ng BFP ang posibleng pananagutan ng contractor ng gusali, kabilang ang kanilang mga permit at kung sumunod ba sila sa mga safety protocol.
