Nasa larawan sa seremonya na ginanap sa Meralco Headquarters sa Pasig City sina (L-R): CMC Chief Finance Officer Florencio A. Tenorio, CMC President at CEO Atty. Pilar Nenuca P. Almira, Meralco SVP at MPower Head Redel M. Domingo, at Meralco VP at MPower Retail Sales Head Eddie John V. Adug.
Upang matugunan ang lumalagong pangangailangan sa enerhiya ng isa sa mga nangungunang ospital sa South Luzon, opisyal nang pumasok sa isang strategic partnership ang Calamba Medical Center (CMC) at ang MPower, ang retail electricity supplier ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa ilalim ng kasunduang ito, maghahatid ang MPower ng maaasahan at flexible na suplay ng kuryente para sa CMC.
Kabilang dito ang pagpapatala ng limang (5) service accounts sa ilalim ng Retail Aggregation Program (RAP) at isang account sa ilalim ng Competitive Retail Electricity Market (CREM).
Dahil dito, makikinabang ang mga gusali at pasilidad ng ospital sa Laguna sa mas mababang halaga ng kuryente.
Ang CMC, na bahagi ng hospital group sa ilalim ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ay kinikilala bilang premier medical center sa Laguna na nagsisilbing pangunahing referral hospital para sa acute care.
BASAHIN: Movem ng Meralco, tiniyak ang pagpapatayo ng mga ‘future-ready’ EV charging stations
Ayon kay CMC President at Chief Executive Officer Atty. Pilar Nenuca P. Almira, malaking tulong ang paglahok sa RAP para sa kahusayan at flexibility ng kanilang operasyon, na kalaunan ay magreresulta sa mas pinagandang serbisyong medikal para sa publiko.
“Hindi lang namin nakikita ang partnership na ito bilang paraan para makatipid sa gastos, kundi bilang ambag na rin namin sa bansa sa pamamagitan ng pag-maximize ng resources at pagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Atty. Almira.
Idinagdag din ng opisyal na simula pa lamang ito ng mas malawak na pagtutulungan, lalo pa’t pinaghahandaan na rin ng CMC ang pagpapatayo ng kanilang mga bagong medical buildings.
Samantala, ipinahayag naman ni Meralco Senior Vice President at Head ng MPower Redel M. Domingo ang kanilang pagmamalaki sa pagsuporta sa pagpapalawak ng kapasidad ng CMC na magsilbi sa mga komunidad sa Laguna.
“Para sa amin, ang pagbibigay-lakas sa sektor ng healthcare ay higit pa sa pagbibigay ng maaasahang suplay ng kuryente. Nangangahulugan ito ng pag-alalay sa mga institusyon na mag-operate nang may mas mataas na efficiency, katatagan, at kahandaan sa hinaharap,” ani Domingo.
Sa pamamagitan ng kolaborasyong ito, muling pinagtibay ng MPower at CMC ang kanilang iisang layunin na isulong ang sustainable energy management, mapataas ang operational efficiency, at bigyang-lakas ang mga institusyong pangkalusugan upang makapaghatid ng de-kalidad na serbisyong medikal sa mas maraming Pilipino.
