Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang status ng Bulkang Mayon sa Alert Level 3 ngayong Martes, Enero 6, matapos maitala ang “effusive magmatic eruption” o ang dahan-dahang pag-agos ng lava mula sa bunganga nito.
Ang desisyong ito ay dumating wala pang isang linggo matapos ilagay ang bulkan sa Alert Level 2 noong unang araw ng Bagong Taon. Ayon sa Phivolcs, tumataas ang tsansa ng isang mapanganib na pagsabog sa loob ng mga susunod na araw o linggo.
Sa ulat ng Phivolcs kaninang 1:20 ng hapon, nakaranas ang bulkan ng pagguho ng lava dome na nagresulta sa Pyroclastic Density Currents (PDCs) o “uson” sa Bonga Gully bandang 12:26 ng tanghali. Ang mga PDCs ay mabilis na agos ng mga pira-pirasong volcanic particles, mainit na gas, at abo na may temperaturang aabot sa 200∘C hanggang 700∘C.
“Mayroong ‘very slow extrusion’ o mabagal na paglabas ng magma na paunti-unting bumibilis,” pahayag ng ahensya.
Dahil sa banta ng PDCs, pag-agos ng lava, at rockfalls, mariing inirerekomenda ang paglikas ng mga residente sa loob ng 6-kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ). Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga bahagi ng sumusunod na lungsod at munisipalidad:
- Tabaco City: Oson, Mariroc, Comon, Magapo, Buang
- Malilipot: Calbayog, Barangay V, Santa Cruz, Canaway
- Ligao City: Baligang
- Santo Domingo: Fidel Surtida, Lidong, San Fernando, Santa Misericordia
- Camalig: Sua, Tumpa, Anoling, Quirangay
- Daraga: Mi-isi
- Guinobatan: Doña Tomasa, Muladbucad Pequeño, Muladbucad Grande
- Legazpi City: Mabinit, Buyuan, Matanag, Bonga, Padang
- Bacacay: Bonga (Upper)
Kapansin-pansin ang mabilis na pagbabago ng kondisyon ng Mayon ngayong taon. Mula noong January 1, nakapagtala na ng 364 rockfall incidents, hamak na mas mabilis kumpara sa 599 na naitala sa kabuuan ng Nobyembre at Disyembre 2025.
Pinayuhan ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol ang mga residente na sundin ang evacuation plan ng kanilang mga LGU at magsuot ng face masks kung sakaling magkaroon ng ashfall o amoy ng sulfur dioxide.
Huling itinaas sa Alert Level 3 ang Mayon noong Hunyo 2023. Sa kasalukuyan, nananatiling nakabantay ang mga otoridad sa posibleng pagtaas pa ng alerto patungong Level 4 o 5 kung magpapatuloy ang mapanganib na aktibidad ng bulkan.
