Isang malawakang balasahan o cabinet revamp ang inaasahang magaganap sa loob ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong buwan ng Enero o sa darating na Pebrero 2026.
Ito ang ibinunyag ng veteran columnist na si Ramon Tulfo base sa impormasyong natanggap niya mula sa kaniyang tinawag na “tweety bird.” Ayon sa ulat, dalawang matataas na opisyal ang posibleng masipa sa puwesto: sina Health Secretary Ted Herbosa at Tourism Secretary Christina Frasco.
Isyu ng Korapsyon at Kakulangan ng Turista Base sa pahayag ni Tulfo, ang posibleng pagtanggal kay Herbosa ay may kinalaman sa mga alegasyon ng korapsyon. Binanggit ng kolumnista na mula nang maupo si Herbosa sa Department of Health (DOH), pinutakti na ito ng mga kaso ng graft at corruption.
Sa kabilang banda, hindi korapsyon kundi “incompetence” o kawalan ng sapat na kakayahan ang dahilan kung bakit tinitingnan ang pagpapalit kay Secretary Frasco. Ayon sa impormante ni Tulfo, kakaunti ang dumarating na turista sa Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa gaya ng Thailand at Vietnam.
Gayunpaman, binigyan ni Tulfo ng konsiderasyon ang kalagayan ni Frasco. Aniya, hindi lamang trabaho ng Department of Tourism (DOT) ang paghikayat sa mga turista kundi trabaho rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagsugpo sa krimen. Naniniwala si Tulfo na marami ang natatakot bumisita sa bansa dahil sa mga balita ng mga turistang pinapatay o nabibiktima ng masasamang-loob.
Sakaling matuloy ang sibakan, inirekomenda ni Tulfo na italaga ang mga dati nang naging kalihim na sina Janette Garin para sa DOH at Richard “Dick” Gordon para sa DOT.
Binigyang-diin ni Tulfo na parehong may magandang track record ang dalawa noong sila ang humahawak sa mga nasabing departamento. Bilang mga beterano, naniniwala ang kolumnista na sila ang nararapat na pumalit upang maisaayos ang serbisyong pangkalusugan at muling pasiglahin ang turismo sa bansa.
Mariing pinabulaanan naman ng Malacañang ang mga kumakalat na balita tungkol sa napipintong malawakang revamp o balasahan sa Gabinete.
Sa isang press briefing, nilinaw ni Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala pang anumang opisyal na impormasyon o direktiba ang Palasyo hinggil sa pagpapalit ng mga kalihim.
“Wala pa po tayong natatanggap na anumang balita, baka may nagpapakalat, pero as of now wala po,” giit ni Castro.
