Nilinaw ng Malacañang ngayong Martes, ika-6 ng Enero 2026, na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang balak na pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte, sa paniniwalang ito ay mandato at tungkulin ng Kongreso.
Sa isang press briefing, sinabi ni Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ng impeachment ay kailanman hindi naging paksa sa mga pulong na ipinatawag ng Pangulo.
“Ang pagsasampa po ng impeachment complaint ng anumang grupo ay hindi po ito sakop ng Pangulo,” ani Castro. “Sa kasalukuyan ay wala pong napag-uusapan sa anumang meeting na patungkol sa impeachment laban kay Bise Presidente.”
Binigyang-diin ni Castro na nananatiling tapat ang Pangulo sa prinsipyo ng pananagutan (accountability) para sa lahat ng nasa serbisyo-publiko. Ayon sa kaniya, hindi makakamit ang tunay na pagkakaisa kung may mga isyung hindi nasasagot.
“Ang dapat managot ay dapat managot. Hindi po magkakaroon ng pagkakaisa kung may naiiwang isyu na dapat na sagutin,” dagdag pa ni Castro.
Tinanggihan din ng opisyal ang ideya na maaaring gamitin ni Marcos ang kaniyang impluwensya upang pigilan ang mga mambabatas sa panibagong tangka ng impeachment. Ito ay matapos ang unang tangka noong 2025 na inilarawan ng ilan bilang “failed impeachment.”
Paliwanag ni Castro, hindi pa maituturing na “failed” ang kaso dahil mayroon pa itong nakabinbing apela sa Korte Suprema. Matatandaang noong Hulyo 2025, idineklara ng Mataas na Hukuman na “invalid” ang reklamong inihain laban kay Duterte dahil sa paglabag sa one-year bar rule—isang constitutional provision na nagbabawal ng higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.
Inaasahang magtatapos ang nasabing one-year ban sa darating na Pebrero 2026. Sa kasalukuyan, may mga grupo nang nagpapahiwatig na muling ihahain ang reklamo, kabilang na ang posibleng paggamit sa testimonya ng lumutang na “bagman” na si Ramil Madriaga bilang bagong ebidensya.
Samantala, una nang pinabulaanan ni Bise Presidente Duterte ang mga alegasyon at tinawag na “bargaining chip” lamang ang impeachment para sa usapin ng pambansang badyet.
