Isang makapangyarihang political clan sa Ilocos Norte na konektado sa administrasyon ang muling nasasangkot sa usapin ng conflict of interest, matapos lumutang na bilyon-bilyong pisong proyekto ng gobyerno ang napunta sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng mga kaanak ng National Irrigation Administration (NIA) Administrator na si Eddie Guillen.
Si Guillen, isang kilalang alyado ng pamilyang Marcos at presidential appointee sa NIA, ay kabilang sa angkan na sabay-sabay na nasa pwesto sa lokal na pamahalaan at kumakamal ng DPWH at NIA contracts sa mga bayang sila rin ang namumuno.
Ayon sa datos, anim na miyembro ng pamilyang Guillen-Salazar — kabilang ang asawa, mga anak, manugang, bayaw at pamangkin — ang may-ari ng apat na construction companies na nakakuha ng bilyon-bilyong pisong DPWH projects mula 2016.
Sa bayan ng Piddig, Ilocos Norte, kung saan mayor si Gina Guillen at vice mayor ang kapatid niyang si Edwin Salazar, tatlong kumpanyang pagmamay-ari ng kanilang pamilya ang kabilang sa top DPWH contractors.
Ito ay ang Dylan Equipment, Construction and Supplies na pagmamay-ari ng manugang ni Guillen, may P415.8M DPWH projects (No. 2); North Tech Builders and Construction Supply, pagmamay-ari ng asawa ng vice mayor, may P372.3M (No. 3); at Skyline Construction Equipment and Development Corp., pagmamay-ari ng tatlong anak ni Guillen, may P368.4M (No. 4)
Dalawa sa pinakamalalaking proyekto sa Piddig ay joint venture pa ng Dylan at Skyline, parehong kontrolado ng iisang pamilya.
Sa Claveria, Cagayan, kung saan mayor naman ang anak ni Guillen na si Lucille Angelus “LA” Guillen-Yapo, ang Skyline ang number one DPWH contractor, na may halos P358.09 milyon na proyekto.
Ang Skyline ay pagmamay-ari ng tatlong anak ni Eddie Guillen, kabilang si Mayor Yapo at Piddig councilor Gian Nicolette Guillen-Chua, na siya ring lumalagda sa mga kontrata ng kumpanyang may proyekto sa bayang siya mismo ay opisyal.
Bagamat iginiit ng opisina ni Guillen na walang transaksyon ang Skyline sa NIA, lumabas na ang North Tech at Solid North Construction, parehong pagmamay-ari ng kanyang mga in-law, ay nakakuha ng hindi bababa sa anim na NIA contracts mula nang maupo siya bilang administrator noong 2022.
Ang Solid North Construction, pagmamay-ari ng pamangkin niyang si Patrick Salazar (isang councilor), ay nakakuha ng P43.2M NIA projects sa Ilocos Sur; at North Tech naman ay may P9M NIA project noong 2023
Ayon sa kanyang opisina, wala siyang alam at wala siyang kinalaman sa pag-award ng mga kontrata dahil decentralized ang procurement ng NIA at hindi siya ang Head of Procuring Entity (HOPE).
“Administrator Guillen did not intervene in any way, nor did he derive — directly or indirectly — any pecuniary benefit,” ayon sa pahayag ng NIA.
Ngunit para kay Atty. Eirene Jhone Aguila, isang good governance advocate, malinaw ang problema.
“The conflict here doesn’t live in DPWH, it lives in city hall,” ani Aguila.
“When the LGU led by your own family is repeatedly awarding projects to companies owned by your children, you are standing in the very red zone.”
Dagdag pa niya, ang pagdaan ng kontrata sa barangay level ay hindi nakakapag-alis ng pananagutan kundi lalo pang nagpapakita ng pagtatakip.
Bagamat iginiit ng mga Guillen na walang nilalabag na batas, nananatiling tanong ng publiko kung magkakaroon ba ng ganitong dami at laki ng kontrata kung hindi sila ang nakaupo sa pwesto?
***
Para sa inyong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
