NASAMSAM ng mga awtoridad ang aabot sa P1.3 milyon halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang umano’y tulak ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa Cainta, Rizal nitong Linggo ng gabi.
Kinilala lamang sa mga alyas na “Tres” at “Bornok” ang mga suspek, na kapwa residente ng nasabing bayan at itinuturing ng pulisya bilang mga high-value individual sa drug watchlist.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nadakip ang mga suspek bandang alas-7:20 ng gabi sa harap ng isang convenience store sa loob ng Vista Verde Country Homes, Barangay Sto. Domingo. Isinagawa ang operasyon ng drug enforcement team ng lokal na pulisya katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang knot-tied plastic sachet at pitong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansiya na hinihinalang shabu. Tinatayang may kabuuang bigat itong 200 gramo na may standard drug price value na P1,360,000.
Nasamsam din ng mga awtoridad ang isang caliber .22 revolver na walang serial number, apat na bala ng parehong kalibre, isang sling bag, ₱500 na recovered money, at P1,500 na marked money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng Cainta Municipal Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang sangkot sa ilegal na operasyon ng droga sa lugar. (Arnold Pajaron Jr)
