KAMAKAILAN ay inilabas ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933) ang tema ng Araw ni Rizal 2025 ang “RIZAL: Sa Pagbangon ng mga Mamamayan, Aral at Diwa Mo ang Tunay na Gabay.” Ang paggunita ay pangungunahan ng NHCP at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng seremonya ng pagtataas ng watawat sa Liwasang Rizal, Lungsod Maynila, sa darating na 30 Disyembre 2025 Martes ng umaga. Kaalinsabay nito sa parehong seremonya ay magaganap sa mga Museo ni Jose Rizal sa Calamba, Laguna; Dapitan, Zamboanga del Norte; at Fort Santiago, Intramuros, Lungsod Maynila.

Ang tema ay tumutugon sa tunay na kadakilaan ni Rizal sa kanyang mga kaisipan at pilosopiya. Ang mga kaisipang iyon ang gumising sa bayan, nagkaanyo ng damdaming kayumanggi bilang liping Pilipino mula sa kanyang kabataan, at ang bansang nagising ay bumangon upang ipagtanggol ang kanyang karapatan na pinagpilitang putulin ang ugat na nag-uugnay na pinagmumulan ng mga kaisipang nagsilbing tanglaw ng mga Pilipino sa madilim na bahagi ng buhay.
Ayon kina C. Rivera, D. Landicho, at D. Valenciano sa aklat na ‘Rizal: Ang Bayani at Guro’ (2003), “Ang ating henerasyon ay sumusulong. Ang bansa ay umuunlad. Lumalapad at humahaba ang mga lansangan; tumataas ang mga gusali; dumarami ang mga mamamayan, at ano ang nagiging mukha ng lipunang Pilipino? Ang kadakilaan ng pagkalahi ay nagagapi, at ang materyalismo ang nagiging makapangyarihang diyos ng lipunan!”
Ganito ang paalala ni Dr. Cresencio G. Peralta, dating pangulo (nanilbihan 1969-87) ng The National Teachers College (NTC, itinatag 1928), “Ang kailangan natin ay isang kaluluwang pambansa. Isang kaluluwang aantig sa ating lumipas, makikilahok sa kasalukuyan, maghahanda sa darating. Sa katauhan ni Rizal natin matatagpuan ang pambansang kaluluwang ito. Ang pag-aaral sa buhay ni Rizal ay magsisilbing isa sa mga daan patungo sa pagtuklas ng kaluluwang pambansang kailangang-kailangan ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan.”
Ang naging matalik na kaibigan ng bayani na si Dr. Ferdinand Blumentritt (1853-1913) ang nagpahayag ng ganito, “Si Rizal ay hindi lamang ang pinakatanyag na tao sa kanyang sariling bayan, Kundi siya ang pinakadakilang taong nalikha ng lahing Malayo.”
Sa maikli at makabuluhang buhay ni Rizal ay ipinamalas niya ang walang kamatayang pagmamahal sa Inang Bayan at sa mga Pilipino. Higit ang para sa mga kabataan na kanyang binansagang “pag-asa ng bayan.” Sa panahon ngayon ay marapat na pagbuhatan ng inspirasyon ng lahat ng mga Pilipino higit ng mga kabataan ang makabuluhang pamana ng kasaysayan. Ang kabayanihan ay mahalaga kung patuloy na nauugnay sa buhay at pananaw ng bayan.
Ang lahat ay inaasahan ng makabuluhang paggunita sa makasaysayang araw na ito.
