SA kulungan ang bagsak ng dalawang kelot na magkaangkas sa isang motosiklo nang mabisto ang dalang baril makaraang tangkain takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa kanyang ulat kay Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, kinilala ni Karuhatan Police Sub-Station 9 Commander P/Capt. Joan De Leon ang mga naarestong suspek na sina alyas “Jovan”, 27, at alyas “Berto”, 31, kapwa residente ng Howmart Road, Barangay Baesa, Caloocan City.
Nagsasagawa ng Oplan Sita ang SS9 sa pangunguna ni Capt. De Leon, kasama sina PCMS Loreto Gabol Jr, PMSg Daniel Roldan, PCpl Rex Tacadena, Pat Jessa Agcaoili at Pat Angie Baac alas-2:40 ng hapon sa harap ng 3S Building, Karuhatan Road, Brgy. Karuhatan nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo dahil nakasuot ng tsinelas ang mga ito na paglabag sa labag sa dress code ng LTO.
Sa halip na huminto, pinaharurot umano ni alyas Jovan ang minamanehong motorsiklo para tumakas kaya hinabol sila ng mga tauhan ni Capt. De Leon hanggang sa magawang makorner.
Kaagad bumaba ang backrider na si saka naglabas ng tila isang baril at itinutok kay PMSg Roldan bago tumakbo para tumakas subalit, hinabol siya ng mga pulis hanggang sa maaresto at nasamsam sa kanya ang isang baril na napag-alamang replica gun (revolver).
Inaresto din si ‘Jovan’ at nang kapkapan, nakumpiska naman sa kanya ni PCMS Gabol Jr. ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at wala itong naipakitang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng naturang baril.
Nahaharap si ‘Jovan’ sa mga kasong paglabag sa Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or their Agents) at R.A 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act habang kasong Threats in relation to R.A 10591 naman ang kakaharapin ni ‘Berto’.
Pinuri naman ng bagong upong OIC District Director ng Northern Police District (NPD) na si P/BGen. Christopher Dela Cruz ang Valenzuela CPS sa kanilang matatag na pangako para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad. (JUVY LUCERO)
