Photo Credit: Olympics.com
Tatanggap ng kabuuang P1.2 milyon na cash incentives si Filipino swimmer Kayla Sanchez matapos ang impresibong kampanya sa 2025 Southeast Asian Games sa Thailand, kung saan kinilala siya bilang pinaka-maraming medalya na atletang Pilipino sa torneo.
Sa kanyang unang SEA Games appearance, nagwagi si Sanchez ng tatlong ginto at limang pilak para sa kabuuang walong medalya, dalawang taon matapos niyang lumipat ng federasyon mula Canada patungong Pilipinas. Isa ring two-time Olympian, agad na nag-iwan ng marka ang 24-anyos na manlalangoy.
Nakuha ni Sanchez ang kanyang unang ginto bilang bahagi ng women’s 4x100m freestyle relay kasama sina Heather White, Xiandi Chua, at Chloe Isleta, bago sinundan ng dalawang indibidwal na ginto sa women’s 100m freestyle at 100m backstroke.
Ang kanyang limang pilak ay mula sa 50m freestyle, 200m freestyle, 50m backstroke, 4x200m freestyle relay, at 4x100m medley relay.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, may P300,000 ang bawat indibidwal na gintong medalya, P150,000 sa pilak, at P60,000 sa tanso. Para sa team events na may mas mababa sa limang miyembro, hinahati ang insentibo na katumbas ng sa indibidwal na panalo.
Batay dito, kikita si Sanchez ng P600,000 para sa dalawang indibidwal na ginto, P75,000 para sa team gold, P450,000 sa tatlong indibidwal na pilak, at P75,000 sa dalawang team silvers. May dagdag pang insentibo siyang matatanggap matapos basagin ang SEA Games record sa women’s 50m backstroke, na itatakda pa ng Philippine Sports Commission.
Samantala, naging matagumpay rin ang SEA Games debut ni Heather White, na nag-uwi ng limang medalya—isang ginto, tatlong pilak, at isang tanso—na katumbas ng P360,000 na insentibo.
Nagningning din ang 19-anyos na triathlete Kira Ellis, na may limang medalya at kikita ng P412,500 matapos manalo ng dalawang ginto at tatlong pilak sa triathlon at aquathlon.
Kabilang din sa mga pinaka-bemedalled na Pilipino sina Kim Remolino (4 medalya), Raven Alcoseba (3), Fernando Casares (3), at Xiandi Chua (4).
Sa likod ni Sanchez, pumangalawa sa pinakamalaking insentibo si short track speed skater Peter Groseclose na may P465,000 mula sa isang ginto, isang pilak, at isang tanso.
Nakamit din ni Alex Eala ang tatlong medalya, tampok ang makasaysayang women’s singles gold—ang unang Pilipina na nanalo sa event matapos ang 26 na taon.
Sa kabuuan, nagtala ang Pilipinas ng 50 ginto, 73 pilak, at 154 tanso, na naglagay sa bansa sa ika-anim na puwesto sa overall medal standings ng 2025 SEA Games. (Ron Tolentino)
